IKALIMANG LINGGO NG PAGKABUHAY, K
–>
PAGHIHIRAP NA NAMAN?
Habang kinakausap ng mga apostol ang mga taong nananalig na sa Diyos (Gawa 14; 21-27) sinabi nila sa kanila na maging matatag sa kanilang pagsunod sa Diyos sa kanilang buhay. Bilin nila: Daranas muna tayo ng maraming kapighatian upang makapasok sa kaharian ng Diyos.”
Ano? Kapighatian na naman? Paghihirap ulit? Hindi ba ang Pasko ng Pagkabuhay ay panahon na wala nang kasalanan, pagdurusa at kamatayan? Hindi ba puwedeng time-out muna tayo sa mga problema ng buhay?
Tama, Pagkabuhay na nga at ang kaluwalhatian ng Panginoong Hesus ang sumisilaw sa anumang kadiliman at pait ng buhay. Panahon ngayon ng liwanag, pagsasaya, tagumpay at kalayaan! Pero ang totoo, mararanasan lamang nating ang Pagkabuhay ni Kristo kung haharapin natin, hindi iiwasan, ang mga pagsubok sa ating buhay.
Ang Pagkabuhay ay karanasan ng tagumpay ni Hesus, pero hindi ito karanasan ng ilusyon o hayahay na buhay! Kaya nga, pagkatapos nating magsimba noong Easter, hindi ba, pagbalik sa bahay, tambak pa rin ang babayarang utang, nandun pa rin ang kasama nating maysakit o may bisyo o may masamang ugali, nasa opisina pa rin ang mga asungot na katrabaho, ang kung tapat tayo sa sarili, mismong tayo rin ay marami pang pagbabago na dapat mangyari sa ating isip, kilos at situwasyon. Pagkatapos ng Pagkabuhay ng Panginoon, tuloy-tuloy pa rin ang mga dapat harapin sa buhay natin.
Kahit ngayong Easter, paalala sa atin ng mga pagbasa na kapiling pa rin natin ang mga pagdurusa dahil maraming dahilang kung bakit patuloy silang nandito. Hindi natutulog ang demonyo para ilayo tayo sa Diyos. Kailangan nating maging dalisay (purification) sa pamamagitan ng ating mga karanasan. Dala-dala natin ang mga paghihirap ng buhay bilang pakikiisa sa mga sinapit ni Hesus para sa atin (Col 1:24).
Matatapos lahat ito kapag dumating na ang bagong langit at bagong lupa (Rev. 21:1). Pero maghihintay pa iyan kapag natupad na ang mga pangako ng Diyos. Samantala, ang tagumpay ni Hesus ay hindi pagtakas sa obligasyon natin sa buhay. Hindi tayo excused, kumbaga, pero mas higit pa sa excused and ibinibigay niya: kapangyarihang magmahal (Jn 13: 34). Sa tulong ng pagmamahal ni Hesus sa ating puso, kaya nating sagasaan at talunin ang anumang problema at dusa natin.
Panginoong Hesus, tulungan mo naman akong makita na ang aking pagkabuhay na muli mula sa aking mga problema at hamon ay hindi darating sa tulong ng ilusyon o magic, kundi sa tulong ng pag-ibig. Akayin mo po ako upang maranasan at ibahagi ang pagmamahal na ito upang maranasan ko ang tunay na tagumpay mo.