Home » Blog » DAKILANG KAPISTAHAN NG PAG-AKYAT NI HESUS SA LANGIT, K

DAKILANG KAPISTAHAN NG PAG-AKYAT NI HESUS SA LANGIT, K

–>

PARA SA ATIN ITO

Kung may Pinoy na nagkataong palarin upang magtrabaho abroad, hindi niya ito itinuturing na pansariling suwerte lamang niya. Lumalabas siya ng bansa, sa isang lugar na hindi niya gamay, dahil nais niyang maniguro para sa kapakanan ng mga minamahal niya sa buhay. Kaya puwede nating ma-imagine na habang nagtatrabaho sa abroad, ang isang Pinoy ay nakatingin tungo sa masaganang buhay, at maya’t-maya naman ay nakalingon sa pinanggalingan, upang makita kung gumaganda ba ang kalagayan ng mga iniwan.

Madalas nating ilarawan ang Pag-akyat ng Panginoong Hesus sa langit bilang pagtawid niya sa “finish line” dahil tapos na ang kanyang laban.  O kaya naman bilang pagkakamit niya ng korona ng tagumpay dahil nakamit niyang muli ang kanyang luwalhati bilang Anak ng Diyos. O kaya naman, tila ito pagpapasa sa mga alagad ng misyon na sinimulan ng kanilang Panginoon at Diyos.

Palagay ko, sa puso ni Hesus, ibang-iba ang nagaganap. Ang Pag-akyat niya sa langit ay hindi para sa kanyang kabutihan, o kapahingahan, o kaluwalhatian lamang. Bumalik siya sa Ama para sa kapakanan ng kawan na tinipon niya sa lupa, para sa bayang ipinagkasundo niya sa Kaharian ng Diyos. Hindi ba sabi niya na babalik siyang muli? Ganyan ang isang OFW, na nangangakong uuwi sa takdang araw. Hindi ba sabi din niya na paroroon siya upang ipaghanda tayo ng tirahan? Parang OFW na unti-unting inaasikaso ang mga papeles ng kanyang pamilya para makasunod sa kanya.

Pagkatapos ng Pagkabuhay, nang umakyat siya sa langit, dala-dala tayo ni Hesus, sa kanyang isip, sa kanyang puso. Naalala niya lagi tayo habang nasa luwalhati kasama ng Ama at ng Espiritu Santo. Nananabik siyang makapiling tayong muli at makugnay muli.

Ang hamon ay nasa ating mga kamay, hamon na maging tapat sa ala-ala ni Hesus. Ngayong hindi natin siya nakikita sa harapan, minamahal ba natin din ang kanyang ala-ala at lagi ba tayong nabubuhay sa pananabik na makatagpong muli siya? Ginagawa ba natin ang lahat upang maging posible ang muli nating pagtatagpo?

Isang kaibigan ang nagtrabaho ng 10 taon sa abroad upang mapabuti ang pamilya. Nang umuwi siya, laking lungkot nang makita niyang walang nagbago, sa halip, lumala pa ang situwasyon sa bahay nila. Ang mga kapatid niya ay nagdo droga, ang mga kamag-anak ay panay inuman, maagang nag-asawa o nabuntis ang ilan, at lahat ay tambay at walang trabaho. Ano ang nangyari sa perang ipinapadala niya? Ano ang nangyari sa mga pangarap?

Ang panahon ng pagkakahiwalay natin sa Panginoon ay oras upang pahalagahan at gamitin na inspirasyon ang ala-ala ni Hesus. Iniisip niya tayo lagi. Ganoon din ba tayo? Kung ganoon, simulan nating ayusin ang ating mundo, ang ating buhay, ang ating ugnayan, upang maging handa tayo sa kanyang pagbabalik.