IKA-12 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K
–>
KRUS NG KAGALAKAN
May saysay pa ba sa ating ang krus? Hindi iyung krus sa altar, sa simbahan, o sa kuwintas sa leeg, kundi yung krus ng buhay… yun bang tinutukoy ng Panginoong Hesus: kalimutan ang sarili, pasanin ang krus at sumunod sa akin.
Ang panahon natin ay kumportable at madali. Mabilis ang impormasyon. Mahusay ang mga kagamitan. Tila maaabot lahat ng pangarap. Madali ang solusyon. Kaya nga maraming bumoto sa ganitong pag-iisip noong nakaraang eleksyon. Nais burahin ang paghihirap (at tama naman) ng milyun-milyong mga tao. At gustong gawin ito ng mabilis at madali, mga 3 hanggang 6 na buwan daw, sabi ng nahalal na presidente, at kinagat naman ng mga tao.
Hindi tayo kumportable sa krus. Kung kayang alisin sa landas natin, bakit naman hindi?
May mga krus na hindi na natin dapat pang pasanin. Kailangang matutunan nating itapon ang krus ng nakaraan para makalakad tayo na may magaan, mas mabilis at mas maluwag ang pakiramdam. Kailangan ding matutunan nating huwag pagtuunan ng pansin ang krus ng kinabukasan, dahil kapag napako ang isip natin sa hindi pa nagaganap, magiging lumpo tayo at hindi na makakakilos.
Pero ang sinasabi sa atin ng Panginoon ay bitbitin ang pang-araw-araw na krus ng ating buhay, at sumunod sa kanya; tumingin lamang sa kanya at hindi sa krus sa ating balikat. Sa kabila ng modernong buhay at sa bilis ng teknolohiya, maraming pang-araw-araw na krus pa din para sa atin. Bawat tao, ibang krus: nariyan ang karamdaman, personal na problema, paghahanap ng oportunidad, pagkakamali at kahinaan, pag-aalalang pinansyal, pagkakamali sa relasyon, problemang pampamilya, kasalanan, at mahaba pa ang listahan.
Pwede nating pasanin ang krus natin na may sama ng loob, hinanakit, at panghihinayang. O magpanggap na walang krus sa ating buhay. Pero hindi ito mawawala. Tawag ng Panginoong Hesus sa atin ngayon ay ibang pananaw: pasanin ang krus na may pag-asa, kapayapaan at kagalakan. Pasanin ang krus at sumunod sa kanya. Tumingin hindi sa krus kundi sa kanya na may kapangyarihang baguhin ang ating krus at gawin itong korona ng tagumpay.