IKA-20 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K
–>
SUNOG! SUNOG!
Terible ang dulot ng apoy, lalo na ng malaking apoy, ng sunog! kasiraan sa ari-arian, kamatayan, pagkawasak. Kaya merong buwang nakalaan sa pag-iingat laban sa sunog lalo na sa tag-init.
Pero isang magandang bagay ang nagaganap kapag may sunog. nabubuhay ang pamayanan. Nagkakaisa ang mga tao. nakakalimot tayo sa hidwaan at biglang nagtutulungan. Matapos ang apoy, tahimik na binubuo muli ang buhay.
Ngayon sinsabi sa atin ng Panginoon na magdadala siya ng apoy, ng sunog sa mundong ito. Hindi apoy o sunod ng pagkawasak kundi ng paggising, ng pagkilos. Ito ang apoy na tutulong sa ating gumawa ng magandang desisyon para sa ating buhay, na iwanan ang hindi mahalaga. Kaya nga ang apoy na ito ang maghihiwalay sa mga tao, lalo na kapag lumutang na ang tunay na mahalaga.
Minsan parang dinadalaw tayo ng apoy, ng sunog sa buhay natin. Pero higit sa pinsala, hindi ba’t mas maraming mga mabubuting bagay na dulot ito? Nagkakaisa ang pamilya sa pagsilang ng isang special child. Nagkakasundo ang magka-away kapag may kamatayan. Dahil nagkasakit, naaalala muli ang Diyos at ang kapwa tao.
May apoy ba ngayon sa buhay mo? Hayaan mo ang Panginoon na tumayo sa gitna ng apoy at ipakita sa atin ang higit pang mabubuting magaganap sa gitna ng pagkawasak na nangyari sa ating buhay.