Home » Blog » IKA-21 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

IKA-21 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

–>

LUMAYO KAYO!

Shocking talaga ang tono ng mabuting balita ngayon (Lk 13: 22-30) kung saan tila ipinagtatabuyan ng Panginoon ang mga tao.  Kapag kumatok sa pintuan ng panginoon upang makapasok, may sasagot daw mula sa loob, “Hindi ko kayo kilala.”  Kapag sinabi ng mga tao na kabarkada sila ng panginoon ng tahanan, sasagot ito, “Lumayo kayo sa akin.”

Sinasabihan bat tayo ng Panginoon Hesus na talagang konti lang ang maliligtas at makakapasok sa langit? Nasaan na ang mainit na pagtanggap na kaakibat ng kanyang salitang: “Halikayo at sumunod kayo sa akin.”?

Ang gustong ipahiwatig ng mabuting balita ay hindi limitado sa iilang ispesyal na tao ang kaharian ng langit. Papunta si Hesus sa Jerusalem noon at nagtuturo siya. Nag-aanyaya siya na damahin ang pag-ibig ng Ama. Binubuksan niya sa mga tao ang pintuan ng buhay na walang hanggan. Kaya, hindi si Hesus, hindi ang Ama ang nagsasara ng pintuan ng langit.

Sa halip ang mga tao ang tunay na hindi nagpapahalaga sa paanyaya ng Diyos. mas pinipili nila ang maluwang na daan patungo sa kapahamakan, kaysa ang makipot na daan na patungo sa buhay. narinig na nila ang pangaral, nakita ang mga himala, nakahalubilo ang Anak ng Diyos, pero tumanggi pa rin silang maging seryoso sa mensahe.

Maraming mga tao ang isinilang na sa loob ng pananampalatayang Kristiyano. Hindi kulang sa biyaya na natanggap mula sa Salita ng Diyos at sa paglilingkod ng simbahan. Pero mas nais ng mga tao na makinig sa ibang mensahe, sa matamis na pangako ng buhay na madali at kumportable, malaya at walang pananagutan.

Hindi ang Diyos ang nagsasara ng pinto, kundi tayong mga tao na tumatanggi sa kanya ang nagka-kandado ng pinto patungo sa langit.

Magdasal tayong ang pintuan ng langit na bukas na para sa atin, ang pintuan ng awa na nag-aanyaya sa atin, ay tumbasan din natin ng pusong bukas sa pagsunod sa Panginoon at hindi sa mga boses at impluwensya ng mundong ito.