Home » Blog » IKA-25 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

IKA-25 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

–>

NAGHIHINTAY SIYA SA MALILIIT NA BAGAY

Boring na ba ang mga araw-araw mong gawain? At ang mga paulit-ulit na pangyayari sa buhay mo bawat araw? Hindi ka ba makapaghintay na marating ang pangarap at ang mga matatayog na hangarin mo para sa kinabukasan? Sabi ng Panginoon sa atin, medyo mag-isip-isip (Lk 16:10).

Dahil iyong mga maliliit na bagay sa buhay ay mahalaga sa langit. Iyong nakababagot na gawain araw-araw ay landas patungo sa kaligtasan. Ang mga ito ang simula ng bukas na higit pa sa inaasahan. Sabi ng Panginoon: ang sinumang matapat sa maliliit na bagay ay magiging matapat din sa malalaking bagay. Ang mapagkakatiwalaan sa maliliit at karapat-dapat sa tagumpay at kaganapan ng buhay.

Kaya nga, ang gawain mo sa bahay para sa asawa at mga anak, ang pag-aaral ng lesson sa iskul, ang pagpasok sa trabaho na may sigla, ang pagmamahal sa mga atas na dapat gawin ngayon – maaaring para sa iba ay maliit, mahirap, walang halaga pero sa Panginoon ito ang tanda ng katapatan at pagmamahal na hinahanap niya sa atin.

Higit pa diyan, ang mga maliliit na bagay ang nais ng Diyos na ialay natin sa kanya bilang handog. Tandaan nating si Santa Teresita ng Lisieux ay tapat na laging nakangiti sa mga nakapaligid sa kanya maghapon. Si Mother Teresa ng Calcutta, na pinakabagong santa natin, ay laging huminto upang kausapin at pansinin ang mga taong mahina at dukha. Si Hidilyn Diaz, na Pinoy champion sa Rio Olympics, ay hindi dating kilala pero tahimik na nag ensayo sa kanilang bahay sa Zamboanga.

Ang ginagawa mo ba ay tila maliit at walang halaga? Simulan mo kayang ialay ito sa Panginoon at sa kapwa mo nang may pag-ibig upang magamit ito ng Diyos para sa kinabukasang higit pa sa iyong inaasahan?