Home » Blog » IKA-26 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

IKA-26 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

–>

HINDI PA TAPOS ANG KUWENTO MO


Habang binabasa natin ang Lukas 15, naaalala natin ang nabuhay na pag-asa ng alibughang anak sa harap ng kanyang mahabaging Ama at habang dumadako naman tayo sa Lukas 16, nakikilala natin ang dalawang karakter, si Lazaro na mabaho, gutom, pulubi na nakaupo sa labas ng trangkahan ng mayamang lalaki (na walang pangalan, kasi puwedeng siya ay sinuman sa atin) na hindi man lamang nangahas na bigyan si Lazaro ng anumang tulong.


Tila si Lazaro ang tunay na kaawa-awa sa kanilang dalawa. Mahirap na, maysakit pa, walang magawa, naghihintay na lang ng huling hininga para matapos na ang lahat ng paghihirap sa buhay sa mundong ito. Para bang, ang dulo ng buhay ang pinakamasayang araw dahil ito ang hudyat ng dulo ng lahat ng pagkabusabos na dinanas niya sa buhay.

Pero ang sabi ng Panginoon kay Lazaro: hindi pa tapos ang kuwento ng buhay mo. Dahil pagkatapos sa lupa, si Lazaro (nakita ng mayaman matapos ang kanyang sariling kamatayan) ay nagsimulang mabuhay nang marangya, masaya at mapanatag sa hapag ng Ama sa langit. Matapos ang pasakit sa lupa, ang kuwento ni Lazaro ay nagpapatuloy, sa saliw ng ibang tugtugin, doon sa langit.


Ang pasanin niya ay naging pagpapala. Ang mga pagsubok niya ay naging tagumpay. Ang gusot ng buhay ay naging mensahe ng pag-asa sa lahat ng tulad niya, ay dumanas ng matinding pagdurusa.  Sa kanyang kawalang-pag-asa, ang nagawa lamang talaga ni Lazaro ay magtiwala sa Diyos, na matatapos din ang lahat ng sakit, at lahat ay magiging maayos, sa kamay ng Panginoon.


Iyong mayaman… tila buhay pa siya sa lupa, natuldukan na ang kuwento ng buhay niya.


Kung ngayon, dumadaan ka sa maraming pagsubok, kung tila mga bundok ang iyong mga balakid na hinaharap, kung wala kang lakas na tumayo at wala ring tumulong sa iyo upang makatayo, tandaan mong hindi pa tapos ang kuwento mo. Ang Diyos ang nakakakita, nakakaalam ng lahat ng iyong pinagdadaanan. Isang araw, mula sa trangkahan ng dusa, ay darating ka din sa hardin ng kapahingahan at kagalakan. Maniwala ka, magtiwala ka nang buong puso, magmahal sa gitna ng lahat, ngumiti kasama ni Hesus… dahan-dahan at unti-unti. Hindi pa tapos ang kuwento mo sa puso ng Diyos!