Home » Blog » IKA-27 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

IKA-27 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

–>

ANG LAKAS NG MALIIT

Kailangang tanggapin natin na madalas, natutuklasan nating maliit ang ating pananampalataya. Kung kailan akala natin matibay tayo, saka naman yayanigin tayo ng problema, o paghihirap na talagang humahamon sa pinaka-ugat ng buhay. Ang mga pagsubok ay laging tila palakol na humahampas sa pananampalataya ng isang Kristiyano.

Ito siguro ang dahilang kung bakit sa Mabuting Balita (Lk 17:5ff) ang kahilingan ng mga alagad ay: Panginoon, dagdagan mo po ang aming pananampalataya. At kung bakit ito rin ang umaalingawngaw sa labi ng napakarami sa atin araw-araw: Panginoon, dagdagan mo po ang aming pananampalataya dahil dumadaan kami sa hirap ng relasyon, karamdaman, pag-aalala, pagkalito, kawalan ng kasiguraduhan sa bukas. Panginoon, dagdagan mo po ang aking pananampalataya.

At Diyos lang naman talaga ang makakapagdagdag sa ating pananampalataya. Pero binibigyan din tayo ng pagkakataon na makiisa sa pagpapalago ng ating pananampalataya. Hindi sumagot ang Panginoon na: Ok, dadagdagan ko yan! At bigla na lang lalago ito parang magic. Sa halip, ang sabi ng Panginoon, kahit maliit ang pananampalataya, kaya mo makagawa ng himala. Ano ito? Ibig sabihin, ang paraan ng pagpapalago ng pananampalataya, bukod sa dasal, ay ang paglalagay nito sa kilos!

Maniwala! Magtiwala! Ariin mo ang iyong himala at magiging totoo ito! Kung ang gagawin lang natin ay magdasal at humiling, pero hindi naman pakikilusin ang pananampalataya, hindi ito lalaki. May ipinagdarasal ka ba? May nais ka bang gawin ang Diyos para sa iyo? May nais ba ang iyong puso sa gitna ng iyong mga pagsubok?

Gamit ang iyong maliit na pananampalataya, sabihin mo sa balakid, sa sakit, sa kaaway, sa problema – lumayo ka dito at matanim ka sa ibang lugar! At magaganap ito – iyan ang pangako ng Panginoon