Home » Blog » IKA-29 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON K

IKA-29 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON K

–>

MAGIGING MABAGAL BA SIYA SA PAGSAGOT?

Pagdating ng kaibigan ko mula sa Middle East, tinawagan niya ako at nagkuwento siya ng kanyang mga pagsubok doon. Hindi ko alam na grabe pala ang pinagdaanan niya.

Nang matapos ang kontrata, kasama ang mga katrabaho niya, nagpunta sila sa isang isla habang naghihintay ng renewal ng kontrata.  Dumaan ang mga araw, ang mga linggo, ang mga buwan – pero walang tawag mula sa employer. Umuwi na ang iba. Nagpasya naman silang maghintay at makipagsapalaran pa. Samantala, naubos na ang mga naipon niya. Isa sa mga kasamahan niya ay nag-suicide. Maraming na-depressed at halos mabaliw sa lungkot at pag-aalala.

Ang kaibigan ko ay nagdusa tulag ng maraming kasama niya. Buti na lang, naalala niya magdasal. Sumali siya sa isang Bible group ng mga kapwa manggagawa. Nayanig ang kanyang pananampalataya at tila nais na niyang bumitaw sa dasal at sa Bible group niya. Sa biyaya ng Diyos, inialay niya ang lahat ng hirap sa Panginoon, umiiyak gabi at araw sa panalangin. Isang araw, tumawag ang employer niya at pinabalik siya sa trabaho. Ngayon nasa ibang kumpanya na siya at kuntento. Higit sa lahat, matibay ang kanyang pananampalataya sa Diyos na patuloy na nakikinig sa ating mga panalangin.

Sa mabuting balita (Lk. 18:1-8) ang sabi sa atin: “Hindi ba ibibigay ng Diyos ang karapatan ng mga taong tumatawag sa kanya araw at gabi? Magiging mabagal ba siya sa pagtugon sa kanila?”  Isa lang ang kailangan – huwag mawalang ng pananampalataya sa gitna ng pagsubok: “pagbalik ng Anak ng Tao, matatagpuan ba niya ang pananampalataya sa lupa?”

Isa sa pinakamagandang karanasan sa panalangin ay mula sa pagninilay sa Salita ng Diyos, sa Bibliya. Sa ikalawang pagbasa (2 Tim 3) sinasabi kung gaano ka-makapangyarihan ang Salita ng Diyos para sa ating mga pagsubok sa buhay at kung gaano natin kailangan ito para lumago sa pananampalataya.

Nasa gitna ka ba ng pagsubok ngayon? Magdasal ka na magkaroon ng matatag at malalim na pananalig at huwag bibitaw sa pagkapit sa kamay ng Panginoon. Basahin at dasalin ang Bibliya. Sa iyong kahinaan, humugot ng lakas, pananampalataya at pag-asa sa Salita ng Diyos.