Home » Blog » IKA-31 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

IKA-31 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

I-RECYCLE ANG BASURA

Mahal ng Diyos ang buong nilalang niya. Ito ang sinasabi sa atin ng unang pagbasa (Karunungan 11). Pinahahalagahan niya ang lahat ng kanyang ginawa. Kung ganito kabuti ang Diyos sa mundo, paano pa kaya ang kanyang pag-ibig sa tao na kanyang kamukha at kawangis? Di ba lalong ganap ang kanyang habag… at pinatatawad niya ang kasalanan ng tao upang lalo pang magbagong-loob?

Nakakagulat nga ang unang pagbasa kasi nauna pa ang pagpapatawad kaysa sa paghingi ng tao ng tawad. Tunay nga na walang kondisyon ang pagmamahal sa atin ng Diyos. Mahal niya ikaw at ako kung anuman tayo ngayon… at kapag natanto natin ito, doon mamumulaklak ang pagbabago sa ating puso.  Tunay nga na siya ang “Panginoon at mangingibig ng mga kaluluwa.”

Paghahanda pa lamang ito sa mabuting balita kung saan naroon ang nakatatawang tagpo ni Zakeo, ang mayamang pandak.  Sa Israel ngayon, sa bawat pilgrimage, humihinto ang mga tao sa isang lugar na maraming punong sikamoro, kung saan maaaring huminto rin ang Panginoon at tiyak na natawa pa nang makita ang opisyal na tagasingil ng buwin na nakalambitin sa sanga ng puno para lamang makita siya.

Ang mga salit ng Panginoon ay puno ng pagmamahal at pagmamadali: bumaba ka agad! Walang oras na dapat masayang. Mayaman ka pero malungkot, marangya pero iniiwasan, may posisyon pero makasalanan sa husga ng iba – ngayon tutuloy ako sa iyong tahanan.  Tinanggap ni Zakeo ang Panginoon na may “kagalakan” – ibig sabihin hindi lamang sa kanyang bahay kundi sa kanyang puso talaga!

Sa paligid natin, ang daling itapon ang basura. Pero ang Diyos ay tila basurero na kumakalkal upang makita ang puwede pang i-recycle na basura. Sa buhay natin, nagtatapon din tayo ng mga taong sa tingin natin ay makasalanan at salot ng lipunan (ilan na ang namatay mula ilang buwan pa lamang ang nakalilipas, na karamihan ay dukha at walang laban, ang iba ay tiyak na inosente pa nga). Mahal ni Hesus ang mga ito tulad ng pagmamahal niya kay Zakeo… at sa ating lahat.