DAKILANG KAPISTAHAN NI MARIA, INA NG DIYOS 2017
–>
SIMULAN ANG TAON KASAMA SI MARIA
Bakit sinisimulan natin ang taon kasama ang Mahal na Birheng Maria? Bakit hindi ipagdiwang ang kapistahan ng Diyos Ama na bukal ng lahat? O ng Panginoong Hesus, ang Diyos Anak na isinilang sa belen? O ng Espiritu Santo na kaloob ng Ama at Anak? Bakit tuwing Bagong Taon, kapistahan ni Maria?
Bawat bagong taon ay bagong pagkakataon, bagong tsyansa, bagong simula ng buhay. Pagkakataon ito upang lumago, magsimula, magbago, at magpakabuti. Nagsisimula tayong may pag-asa na dahil sa Diyos, yayakapin natin ang bago, ang sariwa, ang maunlad at mabuti para sa atin at sa ating mga minamahal, para sa ating kapwa at para sa ating lipunan at daigdig.
Pero hindi po ba, lahat ng bagong taon may dalang hindi inaasahan? Maraming bagay ang dumarating na hind mo maunawaan. Nagaganap ang mga bagay taliwas sa ating pangarap. Maraming sorpresa ang buhay na halos ating ikabuwal o ikahulog sa ating kinauupuan.
Bawat taon, tayo o ibang kakilala natin ay nagkakasakit at nagsisimulang mag maintenance medicine. Bawat taon may nakakaramdam ng pagtanda at dapat nang magsalamin sa mata. Bawat taon, maraming nagpapaalam sa lugar ng tirahan, sa lugar ng trabaho, sa lugar na nagdadala ng sigalot sa buhay. Pinakamahirap, bawat taon ay may dalang pamamaalaman sa mga taong naging bahagi ng ating buhay pero nawala sa atin at hindi na muling magbabalik, dahil nag-sanga na ang landas o kaya’y namapaya na. Bawat taon, kailangang mag-move on.
Kaya nga, bawat bagong taon ay may dalang misteryong hindi natin malutas-lutas mag-isa. Dito natin kailangan si Maria. Sa Mabuting Balita ni Lukas (2: 6-21), iisa ang binabasa tuwing araw na ito. Ang sentro ay: “At itinago ni Maria ang mga bagay na ito sa kanyang puso at pinagbulay-bulay.” Ano ba ang pinag-isipang mabuti ni Maria? Yung mga bagay na iniisip din natin at pinipilit maunawaan ngayon. Bakit iba ang plano ng Diyos sa plano ko? Ano ang kahulugan ng mga pagbabago sa buhay ko? Ano nga ba ang gusto ng Diyos na gawin ko ngayon? Bakit nagdadala ang Diyos ng mga regalo pero may kasama namang pagsubok? Bakit dumarating ang anghel sa buhay natin pero biglang aalis na hindi nasasagot ang lahat ng tanong natin?
Hindi ko alam kung nasagot ni Maria ang mga tanong niya. Siguro yung iba lang, tulad din nang sa atin. Pero ganunpaman, hindi siya tumigil na magmahal sa Ama, sumunod sa Anak at makinig sa Espiritu Santo. Sa mabuting balita ni Lukas, naroon si Maria mula sa paglilihi, hanggang pagsilang, hanggang kabataan, hanggang pangangaral, hanggang kamatayan at muling pagkabuhay ni Hesus at pati na hanggang ang pagkabuo ng simbahan. Sinikap niyang maging matatag at matapat sa kanyang pananampalataya.
Ganito rin tayo ngayon. Ang daming tanong habang nagdarasal at nagsisismba. – “Lord, bakit ako pa ang dinapuan ng sakit? Bakit ang daming problema sa trabaho? Bakit hindi maayos-ayos ang pamilya ko? Bakit isa-isang nawawala ang mga minamahal ko?”
Hindi tayo nagsisimula ng baong taon sa simbahan dahil hawak natin lahat ng sagot sa ating mga tanong. Nandito tayo upang humingi ng liwanag (kahit konting liwanag) sa bawat sandaling darating, sa bawat araw na darating, sa bagong taong dumarating ngayon. Tulad ni Maria, sana, hindi rin tayo susuko o panghininaan ng loob dahil ang Diyos ay matapat, mahabagin, matulungin at makapangyarihn. At sa kanya lamang tayo kakapit sa panahong tahimik, o sa panahong maligalig. Siya ang kahulugan ng buhay natin sa taong ito at sa habang panahon.
Aba Ginoong Maria!