Home » Blog » IKALAWANG LINGGO NG ADBIYENTO A

IKALAWANG LINGGO NG ADBIYENTO A

–>

ANG DIYOS NG PAG-ASA

Ang katangian ng Adbiyento ay pag-asa, ito ang panahon ng pag-asa. Hindi masyadong halata di ba? Kasi mahilig tayong lumundag agad sa diwa ng Pasko dahil sa materyalismong nasa paligid natin. Pero, ang Salita ng Diyos ay walang sawa sa pagpapa-alala na dapat nating isabuhay ang pag-asa sa ating puso.

Ano ba ang pag-asa? Siguro madaling maunawaan kung sasabihing, ito ay paghihintay sa “wala pa.” Darating ito, sa malao’t madali, pero wala pa ito ngayon. Pero nakatutok na ang puso natin sa ating hinihintay. “Umaasa akong mananalo din ako sa lotto. Makapag-aasawa din ako. Ga-graduate din ako. Mababayaran ko lahat ang utang ko.”

Pagtuunan natin ang ikalawang pagbasa, Rom 15: 4-9 kung saan paliwanag ni San Pablo na intensyon ng Diyos na “magpatuloy tayo sa pag-asa.” Darating ang pag-asa kung pakikinggan natin ang “tiyaga at kaaliwan” na galing sa mga Salita ng Diyos. Sa katunayan, may bagong pangalan ang Diyos ayon kay Pablo: “ang Diyos ng tiyaga at kaaliwan.” Bago ito sa akin.

Diyos ng tiyaga. Ang tiyaga ay pagtitiis sa gitna ng paghihirap, pagtanggap sa araw-araw na sakripisyo, pagpapatuloy sa harap ng pagsubok. Diyos ng kaaliwan. Hinihikayat niya tayo sa gitna ng pakikipagbuno natin. Ibinubulong niya sa atin ang kanyang Salita sa Kasulatan para makalakad tayong matatag anuman ang sapitin natin sa buhay.

Ngayon, ang laki ng problema ng mundo. Sa halip na tiyaga, marami tuloy ang sumusuko na. Sa halip na kaaliwan, marami ang nahuhulog sa siphayo at kalungkutan. Kaya nga narito ang Adbiyento para pagtibayin na narito na ang Panginoon, dumarating at malapit na! Sa Ebanghelyo, Mt 3:1-12, ito ang sigaw ni Juan Bautista. Narito na ang Mesiyas at dala niya ang Espiritu Santo at ang apoy ng pagmamahal galing sa Ama. Huwag mawalan ng pag-asa! Huwag panghinaan ng loob!

Isang kaibigan ko ang matagal nang may kanser at sabi niya, hirap na siya, pagod na at stressed na talaga. May bagong bukol na naman at bagong operasyon. Pero sabi din niya, sa kabila niyon, ang puso niya ay matatag, kasi umaasa siya hindi sa kanyang sarili kundi kay Hesus. Tulad niya, huwag nawa nating pansinin ang mga balakid ng buhay, kundi kumapit lamang sa “Diyos ng tiyaga at kaaliwan.”