Home » Blog » IKATLONG LINGGO NG ADBIYENTO A

IKATLONG LINGGO NG ADBIYENTO A

WALANG IBANG KAGALAKAN

Ayon sa nobelang The Da Vinci Code, isang painting daw ni da Vinci ang naging kontrobersyal dahil ipinakita dito na nakaluhod ang Batang Hesus sa harap ng Batang Juan Bautista. Binabasbasan pa ni Juan si Hesus, na hindi tulad ng ating inaasahan. Alam nating tila napakamali yata ang interpretasyong ito lalo na kung makikita natin ang tunay na damdamin ni Juan tungkol sa Panginoong Hesus.

Sa Mabuting Balita, nasa kulungan si Juan at nagpadala siya ng mga tao upang tanungin si Hesus kung siya nga ba ang Mesiyas. Sa puso ni Juan, alam na niya ang sagot. Siya ang nagturo sa mga tao na si Hesus ang Kordero ng Diyos. Siya ang nagbinyag kay Hesus sa Jordan. Siya din ang unang namatay para sa misyon ni Hesus.

Hindi mas mataas si Juan kahit mas una siyang isinilang. Hindi siya mas mataas dahil nauna siyang nangaral sa madla. Kailanman, hindi naramdaman ni Juan na mas popular, makapangyarihan o ma-impluwensya siya kay Hesus. Dama niyang hindi nga siya karapat-dapat magkalag ng tali ng sandalyas ng Panginoon.

Ang galak sa puso ni Juan ay walang iba kundi ang Panginoong Hesukristo. Laking galak niyang maging bahagi ng misyon ng Mesiyas. Sa kulungan, bago mamatay, nasi lamang ni Juan na marinig muli kay Hesus na siya nga ang hinihintay ng lahat. Hindi binanggit kung paano tinanggap ni Juan ang mensahe ni Hesus. Pero tiyak tayong napuno siya ng nag-uumapaw na kagalakan!

Habang papalapit ang Pasko, alalahanin nating walang ibang kagalakan sa buhay maliban ang makatagpo si Hesus, tanggapin siya sa ating puso at mamuhay kapiling niya sa lahat ng sandali. Mahal ni Juan ang Panginoon pero hindi siya naligtas sa mga pagsubok at paghihirap. Nagdusa siyang lubos pero mas lalong tumindi ang pag-asa sa kanyang puso dahil alam niyang narito na ang Mesiyas sa daigdig.

Tulad ni Juan, minsan natatagpuan natin ang ating sarili sa gitna ng pagsubok kahit malapit na ang Pasko. Huwag nating hayaang nakawin ang ating kagalakan. Sa halip, patuloy na makipag-ugnayan sa Panginoon at makinig sa kanyang pahayag na mahal niya tayo at hindi kailanman pababayaan. Wala akong ibang galak, maliban sa makilala ka Panginoong Hesus!