Home » Blog » PASKO 2016

PASKO 2016

–>

ANO ANG MAGAGAWA NG SANGGOL?

Minsan, nag post ako sa FB: ‘malapit na ang Pasko; darating na si Hesus.’ Marami namang nag-like. Pero may isang nag-comment: Bakit, wala pa ba siya diyan sa inyo? Ano pa ba hinihintay ninyo?’ Sa halip na sakalin ko ang nag-post, inisip ko kung may punto ba siya.

Habang nagdiriwang tayo ng dakilang kapistahang ito, mga larawan ni Hesus na sanggol ang nakaharap sa atin. Pero alam ba natin na kahit sinasariwa natin ang kaarawan ng Panginoong Hesus, ang ipinagdiriwang natin ay iba naman? Oo masaya tayo pero, hindi dahil ang Salita ng Diyos ay isang sanggol na; maligaya tayo kasi ang Salita ng Diyos, sa katauhan ni Hesus, ay ngayon, Kapatid at Kalakbay natin! Tinugon ng Diyos ang malalim na hangad ng ating puso; ibinigay niya ang kanyang nag-iisang Anak!

Nakakataba ng puso ang isang sanggol, pero ano ang magagawa nito para hanguin ang mga tao sa pagdurusa at sakit? Ngayong Pasko, lumingon ka: mga taong naglalakad na tila walang pag-asa; mahihirap na naglipana; mga maysakit na malayo pa sa paggaling; napakaraming walang lakas ng loob na lumaban sa hamon ng buhay. O silipin mo ang puso mo: di ba ang daming tanong, hangarin, pangangailangan na humihingi ng tugon? Kailangan natin ng higit pa sa isang sanggol para lutasin ang mga problema ng mundo, at ng ating puso.

Ipinadala ng Diyos ang kanyang Anak. Hindi upang tanggapin bilang kagiliw-giliw na sanggol. Nais ng Ama na kilalanin natin ang Anak kung sino siya talaga – ang Daan, Katotohanan at Buhay.

Ibinibigay sa atin ng Diyos ang Anak niya upang makatagpo natin ang pinakamalalim na pagmamahal. Noong unang Pasko, ang iba, tinanggap siya; ang iba, tinanggihan siya. Ang pagdiriwang natin ng kaarawan ni Hesus ngayon ay okasyon upang tumugon din tayo – tanggapin o tanggihan siya sa ating puso.

Hindi kailangang perpekto ang lahat ngayon. Maaaring ang daming problema at gulo. Pero nais ni Hesus na sa gitna nito, makipamuhay sa atin, makilakbay sa atin, makitrabaho sa atin, makiasa sa atin, makingiti sa atin, makiiyak sa atin.

Iyong simple ang puso, naiintindihan ito. Kaya nga, kahit mahirap at maysakit, walang trabaho at nagdurusa, nalilito at nababagabag, kaya nilang ngumiti ngayon at magbahagi ng pag-ibig, ang diwa ng Pasko. Alam nilang hindi kailangang maging perpekto ang lahat ngayon. Kasama si Hesus, darating tayo diyan, unti-unti, araw-araw. Ang Pasko ay simula pa lamang ng pakikilakbay natin sa Panginoon.

Salubungin natin siya! Tanggapin natin siya! Anyayahan natin siyang makilakbay sa atin muli! Kilalanin natin hindi lang ang “maliit” o sanggol kundi ang “malaking” Kristo na siyang kaloob ng Ama sa atin!