IKA-4 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON A
–>
ANG PINAKADAKILANG GURO
Nagsimula na tayong maglakbay sa pagtuklas ng Mabuting Balita ni Mateo. Ito ang una sa mga ebanghelyo sa listahan ng Bibliya at una din sa listahan ng ebanghelyo sa listahan ng liturhiya ng simbahan. Para sa simbahan, ang mabuting balitang ito ang pinakamaganda sa lahat dahil sa nilalaman, istilo at mensaheng dala nito.
Ngayon dinadala tayo ni Mateo sa bundok upang doon ay makinig kay Hesus. Nagsulat si Mateo noong taong 80-90 AD sa mga Hudyo at Hentil na kapwa naging mga Kristiyano. Sa magkahalong grupong ito, ano ba ang mensahe ni Hesus? Ibinibigay ito sa atin sa tulong ng mga pangaral ng Panginoon, at ang una dito ay pangaral sa bundok (Mt. 5:1-12).
Nagtuturo si Hesus sa mga alagad bilang tagapagbigay ng batas at guro ng bagong tipan. Kung sa lumang tipan, si Moises ang tagapagturo, para sa mga Kristiyano, natagpuan na ang mas higit pang guro, ang ating Panginoon Hesukristo, na siyang “Diyos na sumasaatin na.”
Ang mga turo tungkol sa “mapapalad” ay katabi ng Sampung Utos ng Diyos sa puso ng bawat Kristiyano bilang malinaw na pahayag ng kalooban ng Diyos. Sa Ingles, ang “beatitudes” ay may kahulugan “maligaya o mapalad” at ito ang salitang ginagamit ng Panginoon upang simulan ang bawat aral niya ngayon.
Mapapalad ang mga dukha sa espiritu, ang mga nagluluksa, ang mga banayad, ang nagugutom at nauuhaw sa katarungan, ang mahabagin, ang malinis ang puso, ang nagdadala ng kapayapaan, at ang mga inuusig dahil sa pananampalataya. Maaari nating pagnilayan isa-isa ang mga ito sa isang retreat o sa tuloy-tuloy na linggo ng panayam. Pero higit sa lahat, tandaan nating ang mga ito ang handog na daan ni Hesus para sa ating naghahanap ng kaligayahan sa buhay at mabuting kaugnayan sa Panginoong Diyos.
Ang problema, nakikinig pa ba tayo sa pagpapahayag ni Mateo, na si Hesus ang Tunay na Guro at Gabay ng ating buhay? Isinasapuso ba natin ang mga salita ng Panginoon? Nakakalungkot na ngayon mas higit na naniniwala tayo sa magagandang salita at pangako ng mga pulitiko kesa sa salita ng Diyos. Marami ngang ayaw makinig sa aral ng simbahan pero paniwalang-paniwala sa aral na na nagsasabing mabuting pumatay ng tao, sumira ng buhay sa sinapupunan ng ina, magwasak ng pamilya at maghasik ng pagkakahiwalay at takot sa pagitan ng mga tao.
Kung talagang naniniwala tayo sa aral ng Panginoon, hindi ba at dapat lalo tayong maniwala sa katauhan niya na Anak ng Diyos at tunay na Guro ng ating buhay? Sino ang mas pinaniniwalaan mo, si Hesus ba talaga na bukal ng buhay at kagalakan o mga taong magaling magsalita pero nagdadala sa atin sa landas ng kamatayan?