IKA-ANIM NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON A
SINASABI KO SA INYO…
May layunin ang bawat mabuting balita. Nagsulat sina Mateo, Marcos, Lukas at Juan (maaaring sila ang tunay na may-akda o iba na ginamit ang kanilang pangalan at impluwensya) ng buhay ni Hesus upang magsaad ng mahalagang mensahe sa mga mananampalataya. Ito din dahilan kung bakit hindi tinanggap ng simbahan ang mga “apocryphal or gnostic gospels”, dahil nga hindi nila nasasalamin ang tunay na mensahe ng Panginoon para sa kanyang mga alagad.
Si Mateo ay may malinaw na pakay bilang manunulat. Nais niyang ipakilala si Hesus sa mga Hudyo at Hentil bilang ang bagong tagapagbigay ng batas, mas mataas pa kay Moises, at may kapangyarihang mula sa itaas. Ang Panginoong Hesukristo ang Tagapagbigay ng Batas ng Bagong Tipan.
Sa mabuting balita ngayon (Mt 5), nakikita natin si Hesus, sa halip na baligtarin ang batas na tinanggap ng mga ninuno ng Israel, ay nagpapaliwanag ng bagong pang-unawa sa batas na ito. Sa tulong nito, inaayos niya, pinadadalisay niya at pinalalalim niya ang Batas ayon sa kanyang karunungan at kapangyarihan. “Narinig ninyo na sinabi” – iyan ang lumang batas. “Ngunit sinasabi ko sa inyo” – iyan naman ang batas ni Kristo.
Ang Batas ay ibinigay ng Diyos kay Moises sa bundok. Kung tutuusin, hindi ito batas ni Moises kundi Batas ng Diyos, at si Moises ay kasangkapan lamang. Kailanman hindi nagsalita si Moises tulad ni Hesus, at kahit sino man sa Israel ay hindi rin nagawang magsalita ng “sinasabi ko sa inyo” dahil takot silang mapagkamalan na nagnanakaw ng kapangyarihang hindi sa kanila, lampas sa kanila at nararapat lamang sa Diyos. Dahil Anak ng Diyos, at kaisa ng Ama, si Hesus ay makapagbibigay ng bagong mukha sa batas. At kung noong una, ang batas ay naunawaan bilang marahas, nakakatakot at matindi, ngayon naman nais ng Panginoong Hesus na maunawaan ang kanyang batas bilang daluyan ng pag-ibig, pagkalinga at katapatan sa kalooban ng Diyos.
Hilingin nating matuto tayong makinig kay Hesus habang nag-aanyaya siyang pahalagahan natin ang kanyang batas. Gayundin, magkaroon nawa tayo ng biyayang sundin ang batas ng pag-ibig sa pagsasabuhay nito sa ating mga sitwasyong kinalalagyan.