IKALAWANG LINGGO NG KUWARESMA A
–>
ANG MAHALAGANG SALITA
Nangyari na naman! Sa bundok ng Pagbabagong-anyo, narinig muli ng Panginoong Hesus and pinakamatamis na mga salitang patungkol sa kanya. Anak! Minamahal kong Anak! Tiyak naalala niya ang kanyang binyag sa Jordan kung saan sa unang pagkakataon, hayagan siyang tinawag ng Ama bilang kanyang Anak. Napakagandang karanasan na ipagmalaki ng magulang di ba?
Ang pagsang-ayon ni Hesus na ialay ang buhay para sa kaharian ay dahil alam niyang mayroon siyang lugar sa kahariang iyon. Laging kasama niya ang Ama. At laging katabi siya ng Ama. Wala nang mas malugod pang karanasan kundi mahalin ang tunay na nagmamahal sa iyo. Para kay Hesus, ito ang sentro ng lahat ng kanyang mga ugnayan, ang bukal na pinagkukunan niya ng lakas para yakapin ang kapwa bilang mga kapatid niya.
Bakit nakikinig tayo sa mabuting balita ito (Mt 17) ngayon? Kasi sa Kuwaresma, dinadala tayong muli sa kakaibang karanasan nang tawagin tayo ng Diyos, ang Ama ni Hesus at Ama din natin, bilang anak… minamahal na anak! Ang Kuwaresma ay pagsariwa sa binyag, upang huwag nating makalimutan. Bininyagan tayo hindi para makapasok lang sa simbahan, magkaroon ng pangalang Kristiyano, maging bahagi ng mga mananampalataya. Higit sa lahat, sa binyag tayo unang tinawag ng Diyos sa ating pangalan, bilang bahagi ng kanyang puso, ng kanyang buhay. Di ba, kaaya-aya ito?
Kamakailan lang isang Australian filmmaker and bumalik sa Pilipinas para hanapin ang kanyang tunay na mga magulang. Malaki na siya at malayu-layo na rin ang narating pero hindi kumpleto ang kanyang buhay kung hindi niya matatagpuan ang unang mga tao na tumawag sa kanya na “anak.” Nawala siya noon at nadala sa ampunan bago naiuwi sa Australia ng pamilyang kumupkop sa kanya.
Dahil naalala ni Hesus ang pag-ibig ng Ama, nakaya niyang harapin ang buhay na puno ng pananabik at lakas. Dahil narinig niya ang tawag sa kanya ng Ama, buong tapang niyang matatanggap lahat ng darating pa! Ang katatagan at tapang ni Hesus ang nais niyang ibahagi sa kanyang mga alagad nang sabihin niya: Huwag kayong matakot!
Ang isang Kristiyano, ang anak ng Diyos ay hindi alipin kundi manlulupig ng takot. Singtaas man ng bundok ang mga pagsubok, singtigas man ng bato ang kasalanan, kahit tila mukhang imposible ang mga pangyayari, hinihikayat tayo ng Panginoon na patuloy yakapin ang krus at luwalhat ng buhay. Binyagan tayo, Kristiyano tayo, at tulad ni Hesus, ang unang gabay at kaalinsabay natin ay ang Ama. Purihin Siya!