Home » Blog » IKATLONG LINGGO NG PAGKABUHAY A

IKATLONG LINGGO NG PAGKABUHAY A

–>

PAG-ASA SA MGA PUSONG WASAK

Madalas na nating marinig ang kuwento ngayon (Lk. 24: 13-35) tuwing Pagkabuhay. Pag narinig natin ang salitang Emaus, tila alam na natin ang buong kuwento ng dalawang alagad na lumayo mula sa Jerusalem at sa daan ay sinabayan sila ni Hesus at sinaluhan sa hapunan.

Pero teka, muli nating pagmasdan ang ganda ng salaysay na ito. Kay Lukas lamang ito makikita, at ito ang pinakamahabang kuwento ng Pagkabuhay. Dito hindi lamang nagpakita ang Panginoon kundi nagbigay pa ng turo tungkol sa kanyang paghihirap at pagkabuhay at ang kaugnayan nito sa plano ng Ama.

Ang “dalawang” alagad na naglalakbay ay kabilang sa mga alagad na hindi agad naniwala sa sinabi ng mga babae. Nasiphayo sila kaya nais nilang lumayo sa Jerusalem. Pero habang naglalakad, si Hesus pa rin ang kanilang paksa ng usapan. At biglang sumabay sa kanila si Hesus. Hindi nila nakilala ang Panginoon. Iba kaya ang itsura niya noon? Pero sabi ni Lukas, ang problema ay wala kay Hesus kundi ang mga mata ng dalawa ang hindi nakakilala sa kanya.

Napagkamalan nila siguro siya na isang ordinaryong Hudyo na dumalo sa Paskwa. Nagulat nga sila na tila walang alam si Hesus sa mga naganap sa Jerusalem. Nagpanggap si Hesus na wala siyang alam upang marinig ang damdamin ng dalawa. Lumabas na totoo ngang nasiphayo ang mga ito (inaasahan pa naman namin… ililigtas niya ang Israel). Naalala nila ang kuwento ng mga babae na noong una ay tinanggihan nila. Napansin ni Hesus na may konting pag-asa pa sila pero walang pananampalataya. Kaya matiyagang nagpaliwanag ang Panginoon sa kanila.

Abala sa pakikinig ang dalawa at pinigil pa nga nila ang dayuhang kasabay nila upang manatili sa Emaus. Kahit malungkot, hindi pa rin patay ang apoy ng pagiging alagad; naramdaman nilang naglalagablab ang kanilang puso. At nang hatiin ni Hesus ang tinapay, doon nila tunay na napagtanto na ito nga ang kanilang Panginoong  Muling Nabuhay!

Hindi nila nakilala si Hesus sa pakikinig ng paliwanag ng Kasulatan pero ito ang naging paghahanda para sa pagbubukas ng kanilang puso. Doon sa paghahati ng tinapay (orihinal na kataga kay Lukas) nabuksan ang kanilang mga mata. Gusto ng salaysay na ito na makita nating sa eukaristiya lubos na nabubunyag ang Panginoon.

Minsan akala natin ay mas mapalad ang mga unang Kristiyano dahil nakita, narinig, nahawakan nila ang Panginoon. Pero ang kuwento ng Emaus ay paalala na ang pakikipagtagpo, pakikipag-usap, pakikinig, pakikisalo kay Hesus ay nagaganap ngayon sa tuwing tayo ay nasa Eukaristiya. Kung may pananampalataya tayo sa mga Kasulatan, at sa Katawan at Dugo ng Panginoon, narito siyang tunay sa piling natin saanman tayo naroroon. Sa tuwing nasa Misa tayo, mapalad tayong kapiling ang ating Panginoon at Diyos!