IKA-ANIM NA LINGGO NG PAGKABUHAY A
ANG ISA PANG TAGAPAYO
Ang Pagkabuhay, tulad ng Pasko, ay panahon ng mga regalo. Kung sa Pasko, ang mga regalo ay materyal na bagay, sa Pagkabuhay ang regalo ay nag-uumapaw na mga regalong hindi nakikita ng mata. Ibinibigay sa atin ng Panginoong Hesus ang bagong buhay tulad ng naranasan niya. At ibinibigay din niya ang pinakamahalagang regalo mula sa kanyang puso – ang Espiritu ng Diyos.
Ngayon, ipinakikilala ng Panginoon sa atin (Jn 14: 15-21) ang pinakadakilang handog na dumaloy mula sa krus at libingan, ang regalong bumababa mula sa langit. Tinatawag niya ang Espiritu bilang Tagapagtanggol o Tagapayo. Siya ang “isa pang” Tagapagtanggol dahil si Hesus mismo ang “unang” Tagapagtanggol.
Ipinapahayag ni Hesus ang tunay na anyo ng Espiritu. Hindi siya nakikilala ng mundo pero nakikilala siya ng mga Kristiyano. Sa unang pagbasa, ang mga taga Samaria ay tumanggap ng Espiritu sa pamamagitan nina Pedro at Juan (Gawa 8). Nang patungan sila ng mga kamay, bumaba sa kanila ang Espiritu Santo, nanahan sa kanilang mga puso.
Sabi ng Panginoon, ang Espiritu ay nabubuhay sa atin at laging kapiling natin. At kahit na hindi natin makikita muli ang pisikal na anyo ni Hesus, kasama pa rin natin ang Diyos sa bagong paraan, sa makapangyarihang paraan, banayad pero tunay na paraan, sobrang lapit sa atin na mahirap ipaliwanag o ipahiwatig. Hindi ba sabi ni San Pablo, tayo ay mga templo ng Espiritu Santo (1 Cor: 6)? Ang buong pagkatao natin ay mga tahanan ngayon ng Espiritu ng Diyos.
Tumatawag ka ba sa Espiritu Santo? Mayroon ka bang ugnayan o debosyon sa kanya? Hindi natin nakikita ang Ama. Kasama natin ang Anak sa Eukaristiya. Pero ang Espiritu ay kalapit natin tulad ng ating hininga. Kailangan lamang na lumapit sa kanya at anyayahan siyang maging kaibigan at gabay ng ating buhay – iyan ang kahulugan ng Tagapagtanggol o Tagapayo.
Mahal na Espiritu Santo, pinupuri kita at pinasasalamatan kita dahil sa pakikipisan mo sa akin. Hindi man ako karapat-dapat pero sa karukhaan ng aking puso, inaanyayahan kita at sinasamba. Bigyan mo po ako ng biyayang lumalim sa pananampalataya, lumago sa pag-asa, at sumigla sa pagmamahal sa Diyos at kapwa. Akayin mo po ako at dalhin kung saan nais ng Diyos. Amen.