Home » Blog » DAKILANG KAPISTAHAN NG KATAWAN AT DUGO NI KRISTO – CORPUS CHRISTI

DAKILANG KAPISTAHAN NG KATAWAN AT DUGO NI KRISTO – CORPUS CHRISTI

–>

ADIK SA IYO…

Marami sa atin ang hayok na sa mga modernong adiksyon sa buhay. Maging mga sanggol at mga bata ay adik na sa mga gadgets at tila walang pakialam sa mundo sa paligid nila. Ang mga magulang naman ay matagal nang nahumaling sa tv. Ang computer ang puntahan ng mga taong walang magawa, walang makausap o walang mapuntahan kapag nalulungkot at nababagot sa buhay.

May mga taong tila adik na sa mga bagay na maituturing na banal o mabuti. Halimbawa maraming tao ang walang tigil ang koleksyon ng mga imahen ng mga santo na parang koleksyon ng Barbie dolls, o kaya walang humpay sa kabibili ng mga librong hindi naman nila kayang basahin at nakatambak lamang.

Ipinaaalala sa atin ng Kasulatan ngayon na may isang totoong “adiksyon” o pagkahumaling na nais ng Diyos na maging bahagi ng ating buhay. Ito ay ang pagiging tunay na pagkakaugnay sa katawan at dugo ni Kristo, ang ating Panginoon at Diyos, sa Eukaristiya.

Hindi tayo sinasabihan ng Diyos na kolektahin lahat ng imahen niya at larawan. Hindi rin niya pakay na basahin natin lahat ng aklat na sumisikat. Hindi niya nais na mapanood natin lahat ng bagong pelikula, gaano pa man ito ka-relihyoso. Nais niya lamang tayong mahalina, matutok, matalaga, at mapukaw ng kanyang Bugtong na Anak na si Hesus sa Eukaristiya. Ito ang nag-iisang adiksyon na nagdadala hindi na kamatayan kundi ng buhay na walang hanggan. – “Simumang kakain ng aking katawan at iinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan, at bubuhayin ko siya sa huling araw.”

Ang pagnanais na maugnay sa Katawan ni Kristo ay magdadala sa ating ibukas ang ating mga mata upang mahalin din ang Katawan niya na matatagpuan sa mga dukha at mga nangagailangan sa ating paligid. Ang pagtanggap sa Katawan at Dugo ni Kristo ang mag-aakay sa atin na mahalin siya at paglingkuran sa pira-pirasong katawan ng mga taong naghihintay ng ating kalinga at pagmamahal.

Manalanging tayong maging tunay na adik kay Kristo, sa kaisa-isang nagbibigay kahulugan sa buhay sa mundo at nagbibigay ng walang hanggang ligaya sa langit.