Home » Blog » DAKILANG KAPISTAHAN NG PENTEKOSTES – ANG ESPIRITU SANTO

DAKILANG KAPISTAHAN NG PENTEKOSTES – ANG ESPIRITU SANTO

–>

KALOOB NA PAG-IBIG

Bihira natin mapansin ang Espiritu Santo. Para sa maraming Katoliko siya ay pamuno lamang sa formula ng tatlong persona – Ama, Anak… (tada….) at Espiritu Santo. Hindi kumpleto ang tanda ng krus kung wala siya doon.

Pero sa Bibliya kasing halaga ng Ama at Anak ang Espiritu Santo sa ating pananampalataya. Ang gampanin niya ay kasing timbang para sa ating kaligtasan at kabanalan. Akala natin laging ang formula ng Diyos ay: Ama – Anak at Espiritu – Santo. Sa Bibliya minsan iba ang ayos: Anak – Ama – Espiritu Santo (una ang Anak) o tulad sa pagbasa natin ngayon (1 Cor 3-13), Espiritu – Anak – Ama (nasa huli ang Ama pero hindi nababawasan ang kanyang kadakilaan).

 “Iba’t iba ang mga espiritwal na kaloob, ngunit iisa lamang ang Espiritung nagkakaloob ng mga ito. Iba’t iba ang paraan ng paglilingkod, ngunit iisa lamang ang Panginoong pinaglilingkuran. Iba’t iba ang mga gawaing iniatas, ngunit iisa lamang ang Diyos na kumikilos sa mga taong gumagawa ng mga iyon” (12: 4-6).

Sa larangan ng mga regalo ng Diyos, ang Espiritu Santo ang nauuna dahil siya ang tagapagbigay ng mga kaloob at siya nga ang tunay at pinakadakilang handog sa atin ng Ama at ng Anak ngayon.

Ayon kay San Pablo, ang mga kaloob ng Diyos ang bumubuhay sa pamayanan. Nariyan ang karunungan, katalinuhan, pagpapagaling, pagpapahayag, pagkilatis sa mga espiritu, at pagsasalita ng mga wika; iyong mga “charismatic” o kamangha-manghang kaloob. Hindi lahat ay mayroon nito. Ganyan talaga pag regalo. Depende ito sa isip ng nag-regalo. Ang ilan ay bibigyan ng isa at ang ilan ay tatanggap ng iba naman. Pero walang tatanggap ng lahat!

Pero sa pagbasa sinasabi na may natatanging regalo ang Espiritu Santo para sa lahat – ang pagiging kasapi ng simbahan. “… tayong lahat ay binautismuhan sa iisang Espiritu upang maging isang katawan. Tayong lahat ay pinainom sa iisang Espiritu” (v. 13). Sa binyag, ibinigay sa ating lahat ng Espiritu ang kaloob na mapalapit sa puso ng Diyos sa pagiging miyembro ng kanyang katawan, ang simbahan. Handog ito para sa lahat ng Kristiyano at alok para sa lahat ng tao sa mundo.

Sa pagiging miyembro ng Katawan ni Kristo, tinatanggap natin ang dakilang pag-ibig ng Diyos at pag-ibig ng ating kapwa. Bilang Kristiyano, kaya nating tumugon din ng kaloob ng pag-ibig. Ang mga dakilang tao ay tumatanggap ng dakilang regalo pero lahat tayo ay tumanggap ng pinakadakilang regalo – pag-ibig ( basahin pa sa 1 Cor 13).

Naisip mo bang ang Pentekostes ay pista ng pag-ibig? Ipagdiwang natin ang araw na ito sa pamamagitan ng pagmamahal sa Diyos at sa mga nakapalibot sa atin. Alalahanin din natin ang pag-ibig na tinatanggap natin mula sa Diyos at kapwa araw-araw. Espiritu ng Pag-ibig, pinupuri kita at sinasamba kita! Amen!