Home » Blog » IKA-22 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

IKA-22 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

PABAYAAN LANG

Nagku-kuwento ang kaibigan ko tungkol sa darating na kasal ng kanyang panganay na anak na babae. Tinanong ko siya kung saan maninirahan ang mga bagong kasal. Agad sinabi niyang halos malapit lang sa kanila ang condominium. At dahil dito, sinabi niya sa magiging mag-asawa na doon na sa kanyang bahay sila dapat uuwi para kumain, makilaba at mangolekta ng mga supply na kailangan nila sa condominium. Ipadadala din daw niya ang kanyang kasambahay para maglinis para sa bagong kasal. Naramdaman ko tuloy na ayaw pabayaang mag-isa ng kaibigan ko ang anak niyang handa nang tumayo sa sariling paa.

Bakit nga ba mahirap pabayaang lumayo ang isang tao? Siyempre, sasabihin nating dahil mahal natin ang tao kaya mahirap pakawalan ito. Dahil masaya tayo kapag kasama natin siya, masakit sa loob kapag makikita nating lalayo sila at mahihirapan sa mga hamon ng buhay. Minsan din, ayaw nating makitang lumayo ang mga tao dahil sa ating pansariling pakinabang. Paano kapag hindi na natin sila kontrolado? Baka mawalan tayo ng importansya sa kanilang buhay.

Naranasan ni Pedro ang sakit na pabayaang mawala ang Panginoong Hesus nang magsimula itong magturo tungkol sa kanyang nalalapit na kamatayan sa krus: Huwag naman Panginoon! Hindi ko hahayaang mangyari iyan sa inyo! (Mt. 16). Mahal talaga ni Pedro ang kanyang Panginoon kaya ayaw niyang makita itong dumanas ng pagpapakasakit. Subalit totoo din kaya na umalma si Pedro dahil alam niyang kapag hinayaan niyang si Hesus na mawala sa kanya, mawawala na itong tuluyan sa kanyang tabi. Sino pa ang magbibigay sa kanya ng lugod, ng inspirasyon, ng ligaya? Magiging bahagi si Hesus ng ibang tao, ibang mundo. Paano na si Pedro? Lalong mabubunyag ang kanyang kahinaan at mga sugat.

Ipinaliwanag ng Panginoong Hesus na kung walang daan ng krus, hindi mararating ang landas ng kaluwalhatian. At hindi lamang siya ang dapat dumaan sa matinik na daan. Lahat ng alagad niya ay dapat ding hayaan ang sarili na mawalay sa luho at ginhawa, upang lalong magkaroon ng tunay na buhay.

May mga tao bang ayaw nating mawala sa atin? May mahal sa buhay ba na ang hirap tanggaping aalis o mag-iibang bansa? May kapamilya o kaibigan bang maysakit na ngayon ay tila malapit nang mauna sa atin? Anu-ano ang mga bagay sa ating buhay na hindi natin mabitiwan dahil baka lalong mabunyag ang ating kahinaan, pagiging sugatan at walang sandigan?

Manalangin tayo sa Diyos para sa biyaya na magpabaya at tumanggap ng buhay!