Home » Blog » IKA-28 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

IKA-28 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

TARA NA SA KASALAN!

Mas simple ngayon ang mga kasalan kaysa noong una na buong baryo at lahat ng kamag-anak ay inaasahang dadalo kahit walang imbitasyon. Noon, kapag hindi dumating ang kamag-anak o kapitbahay, sumasama pa ang loob ng mga ikinasal. Pero ngayon nag-aatubili tayong pumunta kasi baka hindi tayo kabilang sa listahan ng mga panauhin na karaniwang limitado na sa pinakamalalapit na tao.

Ang Mabuting Balita ngayon (Mat 22) ay naglalarawan ng Kaharian ng Diyos gamit ang imahen ng isang marangya, masagana at pang-lahat na piging sa mga probinsya noong dati. Nagpadala ang hari ng susundo sa mga panauhin. Sumama ang loob niyang hindi makararating ang iba. Pagkatapos, inanyayahan niya ang lahat ng matagpuan niya. Nang magsisimula na ang handaan, napansin ng hari ang kakulangan ng kahandaan ng ilang mga tao. Pinarusahan niya ang mga ito.

Ang talinghaga ay tungkol sa pagmamatigas at pagtanggi ng mga tao sa paanyaya ng hari, na makikita sa hindi pagdalo o hindi pagiging handa sa okasyon. Magarbo ang kasalan, umaapaw ang pagkain at inumin, kumpleto ang kasiyahan at paglilibang. Pero ang tanong: Bakit dedma pa rin ang mga tao? Bakit ang ilan naman sa mga dumalo ay hindi nakabihis nang maayos?

Bilang mga Katoliko, ina-alayan tayo ng Diyos ng piging ng kanyang Kaharian sa ating lingguhang Eukaristiya. Bawat Misa ay piging-kasalan ng Anak ng ating Hari. Nakabukas ang mga pinto ng Kaharian at lahat ay tinatawagang dumalo. Pero tulad sa talinghaga, nasaan ang mga Katoliko pag Linggo? Sa lahat ng lugar siguro – sa pamilihan, sa mall, sinehan, at mga pasyalan – maliban sa simbahan. Totoo nga na masaya na ang marami na matawag na Katoliko kahit hindi ipinahahayag ang pananampalataya sa pamamagitan ng panalangin at pagsamba kasama ang pamayanan ng magkakapatid.

At silipin naman natin ang mga nagsisimba ngayon. Marami sa atin ang narito dahil sa nakaugalian lang o natatakot na makagawa ng kasalanan, o kaya dahil nahila tayo ng asawa, magulang o among pinagtatrabahuhan. Tulad ng mga panauhing hindi maayos ang bihis, maraming mga Katolikong nagsisimba ang hindi handa para sa Misa dahil wala ang puso sa ginagawa nila. Pakinggan natin ang mga laman ng isip natin ngayon: Saan kaya makapunta pagkatapos ng Misa? May aabutan pa kaya akong tinda sa talipapa? Ang haba naman ng sermon ng paring ito. Inip na ako. Naku, sana puwede na akong mag text.

Habang ipinagdarasal natin ang mga wala rito na sana minsan ay makapiling natin sila sa Misa, tutukan din natin ang mga dahilan kung bakit tayo naririto. Nawa mapahalagahan natin ang Eukaristiya bilang masayang pakikitagpo natin sa Panginoon linggo-linggo. Party-party kasama si Kristo!