DAKILANG KAPISTAHAN NG PAGSILANG NG PANGINOON
–>
DAKILANG YAKAP
Matapos mapalayo nang matagal sa probinsya, umuwi ang mga magpipinsan sa kanilang lolo at lola sa bukid. Sa malayo, nakita nila ang matatanda na gumagawa sa gulayan, kaya’t tumakbo sila para yakapin ang mga ito. Nagulat at natuwa ang mga matatanda pero nang yayakapin na sila ay biglang tumanggi. “Naku huwag, pawisan kami at mabaho. Ayaw naming madumihan ang magagara ninyong damit.”
Ang yakap ay isa sa mga pinakamasarap, nakalulugod, at nakagaganyak na pagpapakita ng pag-ibig at suporta. Hindi nating niyayakap kahit sino lamang. Bihirang mayakap mo ang isang hindi mo kilala. Niyayakap lamang natin ang mga taong mahal, inaalala at iginagalang natin.
Maraming tao ang hindi nakakatanggap ng yakap. At maraming naghahangad na mayakap man lamang. Ang pulubi sa tabing daan, ang palaboy sa kalsada, mga bata sa ampunan, matatandang pinabayaan, mga bilanggo at mga nakaratay sa banig ng karamdaman – hindi kaya ang mga ito ay naghahangad na minsan, may maka-alalang huminto, kumausap at yumakap sa kanila nang buong pagmamahal?
Sa panahon ng Kapaskuhan, inaalala natin ang pinakadakilang yakap o yapos na naranasan ng daigdig. Niyakap ng Diyos, sa pamamagitan ng kanyang Anak na si Hesus na Panginoon, ang buong sangkatauhan na may ganap na pag-ibig at pagka-habag. Ang Pagkakatawang-tao ng Panginoong Hesus, ang misteryo ng Diyos na naging tao, ay isang matarik na misteryo, subalit ang kahulugan nito ay mauunawaan sa tulong ng simpleng paghahalintulad sa isang yakap.
Tayo ay mga makasalanang nagkakamali at hindi perpekto. Batid natin ang dumi at baho ng ating buhay. Lantad sa atin ang ating kapangahasan. Tulad ng mga lolo at lola sa bukid, dama nating hindi tayo karapat-dapat yakapin. Subalit sa kanyang kabutihan, sa kanyang di-malirip na pagmamahal, iniunat ng Diyos ang kanyang mga bisig at binalot tayo sa maka-amang pagtanggap at pagpapatawad.
Ang Paskong ito ay paalala na bagamat hindi tayo karapat-dapat mapansin ng Diyos dahil sa ating paglayo sa kanya, minarapat ng Panginoon na ipahayag sa atin ang pagmamahal sa pagyakap niya sa ating buong buhay sa lupa (pagsilang, paglago, kamatayan), ang ating pagdarahop bilang mga tao, upang balang araw makabahagi tayo sa kanyang kaluwalhatian.
Maglaan tayo ng panahon na magdasal at magnilay sa mga araw na ito, habang iniisip nating niyayakap tayo ng Diyos sa anumang situwasyon natin ngayon. Pahintulutan natin siya at ibalik natin sa kanya ang yakap, sa ating kahinaan at pagkukulang. Damahin natin ang yakap na ito… at magbahagi ng isang Pamaskong yakap sa isang tunay na nangangailangan!
ISANG PINAGPALANG PASKO PO SA INYONG LAHAT!