Home » Blog » IKATLONG LINGGO NG ADBIYENTO K

IKATLONG LINGGO NG ADBIYENTO K

4 NA PARAAN NG PAGHIHINTAY 3:

PAGHIHINTAY NA MAY KARUNUNGAN, MAY GALAK

Ang mahirap sa paghihintay ay iyong tila ka ba walang silbi, walang ginagawa, nakahinto lamang. Kaya mahirap ito para sa marami. Sa mundong nagpapahalaga sa gawain, kilos, palabas, ang maghintay ay para bang nagpapahinto ng mundo at nagsasayang ng oras.

Subalit sa Bibliya, ang paghihintay ay aktibong panahon. Natural may mga dapat mahinto tulad ng gawain, pagtatagpo, pandama. Pero may mga bagay ding nananatiling buhay at kumikilos tulad ng puso, isip at kaluluwa. Habang naghihintay ang mga bagay na ito ay nagsasaliksik ng gabay, direksyon at karunungan mula sa Panginoon.

Ang ikatlong paraan ng paghihintay sa Adbiyento ay PAGHIHINTAY NA MAY KARUNUNGAN.

Sa Mabuting Balita (Jn 1) mainam na halimbawa sa atin si Juan Bautista. Maaaring inisip ng mga taong nagsasayang lamang siya ng oras sa ilang, walang nakatunganga, nagtatago lamang sa madla. Subalit sa katunayan, sa ilang lumalago sa karunungan si Juan. Nakilala niya ang kanyang sarili at hinarap niya ang kanyang sarili. Buo ang kanyang pagkatao: hindi siya ang Kristo, ang Propeta o si Elias.

Batid din niya sa kanyang puso na ang hinihintay niya ay narito na at nananahan na sa gitna ng mga taong hindi nakakapansin sa kanay. Puno si Juan ng karunungan tungkol sa kanyang misyon – na magbigay daan sa lalong Dakila, na maging mababang loob sa harap ng Panginoon, na maghanda sa mga tao upang tuklasin ang Liwanag!

Sa Mabuting Balita (Jn 8), ipinakikita din ang halimbawa ni Hesus na naghintay na may karunungan. Nang dalhin sa kanya ang isang babaeng nahuli ng mga matatanda sa pakikiapid, hindi agad-agad tumugon ang Panginoon. habang galit na galit ang madla, yumuko si Hesus sa lupa at nagsulat nang tahimik, naghihintay ng karunungan mula sa Ama. At sa wakas, nang magsalita siya, ipinahiya niya ang mga ipokritong nagdidiin sa babae, at pinuspos niya ng galak ang babaeng handang nang magbagong-buhay.

Tulad ni Juan sa disyerto, tulad ng Panginoon sa kanyang pangangaral, maghintay tayo lagi sa karunungan. Tumigil sandali bago magsalita o kumilos. Mag-isip bago mag-click sa social media. Magdasal bago magpasya. Ipagpaliban ang husga hanggang hindi tiyak na tiyak. Kumilos hindi padalus-dalos kundi mula sa pusong payapa at panatag sa Diyos. Sa ganitong paraan, dadaloy ang kagalakan sa mga tao sa paligid natin, silang mabibiyayaan ng karunungang tinatanggap natin mula sa itaas.