Home » Blog » IKA-4 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON B

IKA-4 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON B

TAGAPAGPAHAYAG NG BUHAY NA SALITA

Sa unang pagbasa ngayon matutunghayan ang maikli ngunit maningning na kasaysayan ng mga propeta ng Israel. Tinutukoy ng Deut 18 ang damdamin ng mga taong kinakausap ng Panginoon. Hindi handa ang mga tao na makipagtalastasan na kaharap ang Diyos, dahil baka sila mamatay. Takot din silang marinig nang tahasan ang salitang banal o masaksihan nang personal ang mga kahanga-hangang gawain ng Panginoon. Sa halip, nagsusumamo silang magkaroon ng tagapamagitan, ng tagapa-gitna, ng tagapagsalita. At iyan ang propeta.

Nagkaroon ng mga propeta ang Israel. Kahit na dala nila ang salita ng Diyos sa mga tao, nagdusa silang katakut-takot dahil sa mga pusong matitigas at masuwayin. Kalimitan, namimili ang mga tao ng mensaheng kanilang pakikinggan. Binalewala nila at tinuligsa ang mga propetang nagsalita ng lantad at masakit na katotohanan.

Sa Isaias 42 tinutukoy din ang propeta – ang kanyang tungkulin, pananagutan at pasanin. At ang kasaysayan ng mga propeta ay nakatagpo ng kaganapan kay Hesus, ang dakilang tagapagpahayag ng salita ng Diyos. Sa katauhan ni Hesus naman, ang salita ay ang mensahe, dahil hindi lamang siya simpleng tagapagsalita. Si Hesus ang Anak ng Diyos at ang mismong mensahe ng Ama. Sa kanyang mga salita, mga kilos, at buong buhay, ang awa at habag ng Ama ay dumatal. Sa kanyang mga salita, ang kapangyarihan at lakas ng Diyos (tunghayan ang Mabuting Balita) ay nanahan sa mundo natin.

Malaking hamon na kilalanin ngayon ang propeta sa ating paligid. Sobrang daming salita ang dumadaloy sa media, sa internet, sa pulitika at maging sa simbahan. Dati, mayroon tayong balita, ngayon, maling o pekeng balita. Dati, nasa atin ang katotohanan, ngayon, tsismis at bintang. Dati ang hawak natin ay mga pangyayari, ngayon, masidhing damdamin.

Sa gitna ng lahat ng ito, patuloy nagsasalita ang Panginoon. Tuklasin natin siya sa katahimikan ng pagbabasa ng Bibliya. Buksan natin ang puso sa kapayakanng Misa. Damahin natin siya sa mga pangyayari sa araw-araw na buhay at pakikipag-isa sa mga taong nagbabahagi sa atin ng biyaya at grasya ng Diyos.

Hindi natahimik ang tinig ng Diyos. Ang salita ng Diyos ay hindi patay. Sa katunayan, si Hesus ang Propeta at mismong Salita ng Diyos na buhay sa daigdig na naghahanap ng kabuluhan. Sa pagsunod sa Panginoon, ikaw din ay magiging propeta na ninanais ng mundo ngayon.