Home » Blog » KAPISTAHAN NG EPIFANIA (TATLONG HARI) B

KAPISTAHAN NG EPIFANIA (TATLONG HARI) B

–>

MGA REGALONG IBABAHAGI

Dama ng karaniwang tao ang kaibahan ng Pasko dati at Pasko ngayon. Tila mas kaunti ang mga regalo. At naging mas simple din ang mga regalo. Mas mumurahin ang mga regalong ibinibigay at tinatanggap ngayon. Marami ding tao ang takot bumati man lamang ng Pasko dahil akala nila may kaakibat itong obligasyong magbigay ng regalo sa iba.

Tanda na nga ito ng mas mahirap na situwasyon taun-taon. Subalit, anupaman, ang Pasko ay pista ng mga regalo, hindi lamang dahil ang mga pantas ang nagpasimula ng pagdadala ng handog sa Nino Hesus, kundi lalo’t higit dahil sa lubos na ibinunyag ng Diyos ang kanyang puso sa lahat ng tao sa pamamagitan ng kanyang Anak, ang ating Panginoong Hesukristo.

Nahirapan ka bang mag-regalo ngayong Pasko? Nagbawas ka ba ng listahan ng reregaluhan? Umiwas o nagtago ka ba sa mga umaasa sa iyo? Natakot ka ba sa “regalong Pamasko”?

Bago tayo umalis sa simoy ng Pasko, alalahanin nating taglayin lagi ang diwa ng Pasko. Narito ang ilang regalong maaari nating ibahagi sa mga tao, na hindi kailangan ang bumili, magbalot at gumasta pa.

Ang regalo ng panalangin: ipagdasal ang kapwang nangangailangan nito. Mahalaga ang panalangin sa mga nananalig. At makapangyarihan talaga ang dasal. Ipagdasal natin ang kapwa at huwag mahihiyang manghingi ng panalangin mula sa iba.

Ang regalo ng kapayapaan: lumipas ba ang Paskong ito na wala man lamang tangka na makipag-ugnayan sa nakatampuhan o naka-away? May panahon damputin ang telepono at tawagan o magpadala ng text na maaaring magsimula ng paghilom at pagkakasundong muli.

Ang regalo ng pagkakataon: sa pagtahak sa taong 2018, maniwala muli sa kabutihan ng tao. Maniwala din, sa iyong sarili – sa iyong kabutihan, lakas, talento. Ang Diyos natin ang Diyos ng maraming muling pagkakataon. Maaari tayong tumayong muli sa bawat pagbagsak, at puno ng Espiritu Santo, maglakad patungo sa kinabukasang puno ng pag-asa.

Karapat-dapat ka sa regalo! Maging handang maging regalo sa kapwa tao!