IKATLONG LINGGO NG KUWARESMA B
–>
KAYA MO BA ANG SAMPU?
Ano ba’ng mapapala natin sa 10 Utos? Para sa marami, mga batas lang ito na dapat isaulo sa Catholic school, mga display o karatula sa labas ng simbahan, o di kaya isang magarang lumang pelikula noong 1950’s. Bihirang ipaliwanag ito sa sermon. Hindi rin naman natin ito pinag-aaralan sa sarili natin. Kung tutuusin, hindi ba ginawa na lamang ni Hesus na 2 ang 10 utos ng Diyos?
Ipinagkaloob ng Diyos ang mga utos niya sa kanyang bayan para sa isang mabuting pakay. Hindi ito mula sa kapritsyo lamang ng isang mapaglarong Diyos. Hindi rin sila mga instrumento ng paghihigpit at kontrol sa kilos at isip ng kanyang bayang Israel.
Dapat alalahanin na ang mga utos na ito ang taluktok ng karanasan ng mga tao ng kanilang paglaya at kaligtasan, ng kanilang pagkakilala at pakikipag-ugnayan sa Diyos. Ganito nais ng Diyos na kumilos ang mga tao upang mapangalagaan ang kanilang bagong buhay. Ganito rin naman nais ng mga tao na tumugon sa Panginoon na may pasasalamat at katapatan sa kanilang Tagapagligtas at Tagatubos.
Subalit mayroon ba talagang nakakayang isabuhay lahat ng utos na ito? Kahit sa ating buhay, inaamin nating bagamat hindi tayo nahuhulog sa seryosong kasalanan ng pagpatay o pakikiapid, nagagawa naman nating magsinungaling, at magnasa at makalimot na magsimba tuwing araw ng Linggo o pamamahinga. Sa pagpunta natin sa Kumpisa, hindi ba’t iniisa-isa natin ang mga utos upang malaman kung ano ang ating mga pagkukulang?
Nang ipinamana ng Diyos ang kanyang mga utos, palagay ko hindi naman niya inisip na hindi mababali ng kanyang mga anak ang alinman sa mga ito. Hindi hinihingi ng Panginoon na 100 porsyento ng mga detalye ng kanyang mga utos ang masusunod. Ang Diyos ay hindi pumipili ng pinakamalakas, pinakamatatag, at pinakaganap na tagasunod niya. Tayong lahat ang kanyang tinatawag, kahit alam niya ang ating kahinaan at pagkakamali. Sa kabila nito, patuloy niya tayong hinahamon na gawin ang lahat upang maganap ang kanyang kalooban dahil alam niyang kaya natin itong gampanan sa tulong ng kababaang-loob at pananampalataya.
Si Hesus ang kaganapan ng mga batas at utos ng Diyos. Sa kanyang buhay, binigyang halimbawa ng Panginoon ang sukdol na pagsasabuhay ng mga utos. Subalit ipinaliwanag din niyang sa pagganap nito, kailangang may gumagabay na diwa, na walang iba kundi ang pag-ibig. Hindi kataka-taka na nang gawin niyang simple ang paliwanag sa batas, sinabi ng Panginoon na ang puno’t dulo ay pag-ibig sa Diyos at sa kapwa tao.
Maaaring maramdaman nating tila napakahirap tupdin ang 10 utos. Marami sa atin ang nagsusumikap lamang sa gitna ng kahinaan at paulit-ulit na kasalanan. Ngayong Kuwaresma, binabalikan natin ang mga utos upang maalalang tayo ay para sa Diyos at mahal niya tayo. Sa paghahanda natin sa Kumpisal, hilingin natin lagi kay Hesus na punuin ang ating mga puso ng pag-ibig upang mapagtagumpayan nating isabuhay ang mga utos ng Diyos, dala ng pag-ibig at hindi ng takot o obligasyon lamang.