IKA-APAT NA LINGGO NG KUWARESMA B
–>
TULOY-TULOY NA PAG-IBIG
Dinalaw ako ng kaibigan kong may problema sa kanyang anak na lalaki. Akala niya ay malapit nang mag-graduate ang bata at pati ang asawa sa abroad ay nagbabalita na sa mga kasama doon na makakapagpatapos na siya ng unang anak sa college. Pero inamin ng bata kamakailan lang na marami pa palang kulang at hindi siya makakasama sa martsa ng graduation. Puno ng galit, kalungkutan, at pagkasiphayo ang kaibigan ko. Pero sa huli, mas nanaig pa rin ang pag-aalala, pagpapatawad at pag-alalay sa anak hanggang sa ito ay maka-graduate.
Sa patuloy nating paglakad sa Kuwaresma sa gabay ng mga pagbasa mula sa Lumang Tipan, ang unang pagbasa sa araw ng Linggo, humantong na tayo sa ika-2 Cronica 36. Ang banal na sumulat nito ay naglalarawan ng pagmamahal ng Panginoon sa kanyang bayan. At ang sukli ng mga tao sa pagmamahal na ito ay pagtataksil at pagbabale-wala. Ito ang sanhi ng pagka-siphayo at galit ng Diyos. Nadama ito ng mga tao sa pagkawala ng kanilang minamahal na Templo at sa kanilang pagka-alipin sa kamay ng kanilang mga kaaway.
Dahil ang Diyos ay mananatiling Diyos, ang kanyang galit ay hindi kailanman matatabunan ang tibok ng kanyang puso. Sa 2 Cronica ang katapusan ng aklat ay nakakamanghang pangako, butil ng pag-asa, at pasilip ng bagong buhay at muling pagbubuo. Darating ang isang mabuting hari, itatayo muli ang Templo, at ang mga tao ay masayang babalik sa lupang tinubuan.
Minsan nagre-reklamo tayong sa ating mga karanasan, tila ba ang Diyos ay malupit, masama o marahas sa atin. Ang Diyos kaya ang sanhi ng ating pagdurusa o baka tayo ang naghagis ng sarili sa bangin dahil sa hindi pakikinig sa kanya? Sa gitna man ng pagpaparusa ng Diyos, hindi ba para siyang isang mabuting magulang na alam kung paano mag-disiplina sa anak? Ang disiplina ng Diyos ay hindi pagkasuklam sa atin, kundi pagbubunga ng kanyang pag-ibig.
Ano ba ng iniinda mong hirap ngayon? Kung nakikita moa ng kamay ng Diyos dito, pasalamat ka na itinutuwid ka niya at inaayos sa tulong ng mga aral ng buhay. Mas mainam na mahulog sa kamay ng Diyos kaysa kamay ng ating mga kaaway. Ang Panginoon ay mahabagin, mapagmahal at mapagpatawad.
At kung hindi mo naman makita ang dahilan sa iyong pinagdaraanan,patuloy na magtiwalang sa bandang huli, ang pagmamahal ng Diyos ang magwawagi. Sabi natin sa ating sarili kapag may problema tayo – “lilipas din ito.” Mabuting ipaalala sa sarili na anuman ang mangyari, mayroong hindi kailanman mang-iiwan o magpapabaya dahil ayaw niyang mapahamak ang kanyang mga anak, kundi sa pamamagitan ni Hesus na kanyang Anak, “magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Jn 3:16). Sa kamay ng mapagmahal na Diyos, lilipas din ang lahat ng bagay.
(handog sa inaanak kong si JJ… mabait, matalino at maraming talento!)