Home » Blog » IKA-13 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B

IKA-13 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B

MANGINGIBIG SA GILID-GILID

Kay daming kuwento ng mga sikat na tao na nagpakita ng paglingap sa mga simple at pobreng tao sa paligid nila. Sa isang dokumentaryo, inalala na nang pumasok sa isang handaan si Queen Elizabeth ng England, ang una niyang nilapitan at kinumusta ay ang waiter doon.

Sa mabuting balita ngayon, si Hesus ay kinikilala na huwaran ng lahat ng tunay na nagmamahal. Oo, mahal ni Hesus ang lahat ng tao. Pero may mas pinipili ang kanyang puso – ang pinakamahina, pinakamahirap, pinakabusabos, pinakawalang pag-asa. Hindi lamang niya hinanap sila. Nang sumunod, naghanap, lumapit at nagmakaawa sila sa kanya, ipinadama ni Hesus ang kanyang walang kapantay na paggalang, pagmamahal at pagkalugod.

Wala nang gaganda pang paglalahad nito kundi ang ating mabuting balita. Isang kabataang babae ang naghihingalo at inihingi ng tulong sa Panginoon. Dali-dali siyang lumakad papunta sa bahay ng bata, na hindi nagdalawang-isip. Sa paglalakbay niya, isang babaeng matagal nang nagdurusa at tinanggihan na ng mga doctor, ang humipo sa kanyang damit. Kung bakit ginawa ito ng babae ay marami tayong maiisip na sagot. Baka nahihiya siyang humarap kay Hesus dahil sa kanyang itsura; o natatakot siyang mahusgahan kaya; o sobrang maralita at mahirap siya kaya inisip niyang walang panahon ang Panginoon sa kanya. Ang pasikreto niyang paghipo kay Hesus at patunay na hindi siya matatagpuan sa gitna ng lipunan. Nakatira siya sa gilid-gilid lamang.

Pero dito din nakatira si Hesus! Dito din tumitibok ang kanyang puso! May pagkiling si Hesus sa gilid dahil dito niya nahaharap, nakakausap, nahahawakan, at minamahal nang ganap ang mga taong higit na nangangailangan. Hindi rin kumportable sa gitna ng lipunan si Hesus; mas panatag siya kapag nasa piling ng walang kuwenta, ng pinabayaan, ng itinaboy at ng kinalimutan.

Minsan pakiramdam nating hindi tayo karapat-dapat lumapit sa Panginoon. Bakit nga? “Makasalanan ako e!” “hindi ko nasusunod ang batas ng Diyos.” “Bihira ako magsimba.” “Matagal na akong tumalikod sa kanya.” “Kung ang pamilya at mga kaibigan ko nga e ayaw sa akin, siya pa ba ang maging interesado?” “Sino nga ang nais makita ako, makausap ako, tulungan ako, pagalingin ako?” “Taga-gilid lang kasi ako!”

May mabuting balita para sa iyo, para sa atin: si Hesus ang interesado sa iyo! Lalong naaakit si Hesus sa mga hindi karapat-dapat, sa mga taga-gilid. Kaya nga, huwag matakot tumawag sa kanya, lumapit sa kanya at humipo sa kanya, kahit panakaw, palihim at sikreto lamang. 

Alam niyang ikaw iyan! Kilala ka niya. At mahal niya… ikaw nga!

–>