Home » Blog » IKA-14 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON B

IKA-14 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON B

NANGHINA SI HESUS

Isang “terror” ang propesor namin dati. Ibig sabihin, mahigpit at masungit siya sa pagtuturo, sa pagtatalakayan, at sa pagsusulit ng mga estudyante. Ang bunga nito, nginig sa takot ang lahat. Nabubulunan, nauutal o napipipi  kapag sumasagot. Minsan, biglaang napangiti at napatawa pa and propesor. Dahil dito, nasilip ng mga estudyante and kanyang kubling pagkatao, at lahat ay nakitawa na. Naging mas panatag ang klase at naging mas masugid sap ag-aaral.

Ang mga ugali at kilos natin ay nakakaapekto sa mga tao sa mabuti man o masama. Pansin ng mga tao kung may isang sumasalungat sa kanila. Dama din nila kung mayroon namang buo ang suporta at pagsang-ayon. Hindi na kailangan itong sabihin o ipaliwanag; kadalasan, nadarama lamang. Ang pagsalungat at pagsang-ayon ay may kaugnayan sa pakiramdam, pagsasagawa at nagiging bunga ng ating mga kilos.

Batid ni Hesus na ang presensya niya ay magdudulot ng iba’t-ibang reaksyon. Narinig niyang pinuri siya ng mga tao. Nabasa niya ang panlilibak at pang-aaba na nakapaloob sa salita naman ng iba. Dahil sa pagsalungat ng mga tao, hindi nakagawa ng marami pang bagay ang Panginoon para sa kanila.

Hindi dahil walang kapangyarihan si Hesus na gumawa ng kababalaghan. Subalit ang kanyang lakas ay higit na gumagalang sa disposisyon, kalooban, at kalayaan ng tatanggap nito. Kung hindi pa handa, hindi ipipilit ng Panginoon ang kanyang sarili. Maghihintay siyang may pagtitimpi at pagtitiis hanggang mabuksan ang mga puso.

Bakit ba hindi pa natatamo ang ating mga panalangin? Bakit ba hindi pa nangyayari ang ating inaasahan? Mabuti sigurong manahimik at suriin ang sarili kung may bara ang mga puso natin na pumipigil sa daloy ng biyaya niya. Alam ninyo, mismong Diyos ay apektado ng ating pakikitungo sa kanya. Bagamat hindi nakabatay sa ating tugon ang kanyang kilos, ginagawa naman niyang maging maapektuhan siya ng ating pag-ibig man o panlalaban.

Mabuti rin sigurong magnilay kung paano natin itrato ang kapwa. Nagiging panatag ba sila at maaliwalas kapag nasa paligid tayo? O baka naman biglang naninigas at nagmamaskara sila kapag dumaraan tayo? Tulad ni Hesus, nag-aanyaya ba tayo ng pagtanggap, pagmamahal, pagpapatawad, at pagkakaunawaan sa ating kapaligiran?

–>