Home » Blog » IKA-23 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B

IKA-23 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B

PUSO SA PUSO

Nakakatuksong pagtuunan agad ng pansin ang pagpapagaling sa bingi at pipi sa ating ebanghelyo ngayon. Kasi naman, talagang kahanga-hanga ito! Sino ba ang nakapagbubukas ng saradong tenga? Sino ba ang nakakakalag ng piping dila? Si Hesus lamang ang nakagawa nito… subalit sa kanyang natatanging paraan. Doon muna tayo magtuon ng pansin – sa pamamaraan, sa pagkilos at sa istilo ng pakikiugnay ni Hesus sa mga nangangailangan sa kanya.

Bago ang pagpapagaling, inilayo ni Hesus ang bingi at pipi sa maraming tao. Simula pa lang, ipinakita niyang hindi ito isang palabas o gimik lamang. Ninais ng Panginoon na mapag-isa sa piling ng bingi upang makasama siya, maging buo ang pansin, maging tutok at napakalapit sa taong ito. Mula sa malayo, nakita ng mga tao ang ginawa ni Hesus: hinawakan ang tenga, hinipo ang dila, bumuntong-hininga at nagsalita sa lalaki: “Bumukas ka!”

Ang kapaligiran ni Hesus ay mundo ng mga puso. Narito at bakas natin ang tumitibok na puso ng Diyos sa katauhan ng kanyang Anak: nag-uumapaw sa pag-ibig at awa para sa mga naghihirap. At narito din at talos natin ang tumitibok na puso ng isang nilikha, naghahangad ng pagtulong, pagpapalaya, paghilom at kapayapaan. Inilayo ni Hesus ang bingi mula sa madla upang linawin na ang pagpapagaling na ito, ang himalang ito, ay una sa lahat, isang pagkilos ng dakilang pag-ibig ng Diyos para sa kanyang anak.

Nakatagpo ng puso ni Hesus ang nagdurusang puso ng isang tao. Ang taong ito naman, nadama ang katapatan ng Panginoon, at nagbukas ng kanyang puso na may tiwala at pagpapaubaya. Naganap ang himala sa pagitan ng dalawang puso bago pa matunghayan ito sa pinagaling at pinapanibagong katawan ng bingi at pipi.

Ang paghipo ni Hesus sa bingi at ang kanyang pakikipag-usap dito ay katiyakan na namuhunan siya ng personal na pagmamahal para sa taong ito. Ang malayang pagtugon naman ng bingi kay Hesus ay nagpapakitang ang kanyang buong buhay, hindi lamang ang katawan, ang siyang tumanggap ng biyaya ng Diyos. Tunay nga, ang presensya ni Hesus ang pag-ibig ng Diyos na kongkreto at nadarama ng mga nasisiphayo at mga nangangailangan sa mundo. Kay Hesus, napagtitibay nating ang pangalan nga ng Diyos ay Pag-ibig!

Kayraming tao ngayon ang mabilis na nagdudulot ng tulong sa mga nangangailangan. Madalas may kasama itong pakiramdam na mas mataas at makapangyarihan sila sa mga tinutulungan nila. Ang iba naman ay dagliang tumutulong basta’t may kasamang selfie na sunod nang ia-upload sa facebook at Instagram. Pero ang mga nagdurusa at naghihirap ay sensitibo sa tunay na motibo ng taong kaharap nila. Batid nila kung sino ang tunay na lumalapit sa kanila na taos-puso.

Tandaan natin ang mga salita ni San Francisco de Sales: “Ang puso ay nakikipag-usap sa kapwa puso, habang ang dila naman ay nangungusap lamang sa tenga ng tao.” Tularan natin si Hesus at gawing tunay na nananatili at bumubukal sa puso ang mga ugnayan natin sa mga taong dapat nating lingapin at tulungan sa ating tahanan at  kapaligiran.

–>