Home » Blog » IKA-29 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B

IKA-29 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B

AMBISYOSO KA BA?

Magpakatotoo tayo. Mababakas natin sa kahilingang iniluhog ng magka-kuntsabang magkapatid na Juan at Santiago sa Mabuting Balita ngayon ang ating mga sarili. Nais nilang makiparte sa luwalhati ni Hesus kaya eto at nagkukusa silang mag-alay ng serbisyo. Pero sa kanilang isip ang luwalhating ito ay kapangyarihang makalupa at materyal. Mga simpleng mangingisda sila kaya ang maging “Punong Ministro” at “Presidente” ay lubhang kaakit-akit na tukso para sa dalawa.

Nagalit ang iba pang mga alagad nang marinig ang kapangahasan ng magkapatid. Bakit? Dahil naunahan sila ng dalawa. Habang nakikita ng mga alagad ang tagumpay at kasikatan ni Hesus, bawat isa ay naghahangad na mabahaginan ng impluwensya, popularidad at kadakilaan ng Panginoon. Kahit pala ang mga pinakamalapit na kasama ng Panginoon ay hindi ligtas sa patibong ng ambisyon.

Pero teka, masama ba’ng mag-ambisyon? Mali ba ang mangarap ng magandang buhay, matayog na kalagayan sa lipunan o marangyang posisyon sa kinaroroonan mo? Ito naman ang bilin ng ating mga magulang. Ito rin ang turo sa atin sa paaralan habang lumalaki tayo di ba?

Ang mag-ambisyon ay tama o mali depende sa intension ng tao. Kung makasarili ang ambisyon, nagnanais ang isang tao na luwalhatiin ang kanyang sarili lamang. Ito ang pakay ng magkapatid na Santiago at Juan at, ang lihim na kagustuhan ng iba pang mga alagad. Kaya nga, walang magawa ang Panginoon kundi biguin ang kanilang maitim na balak.

Mayroong nag-aambisyon pero hindi pakay ang sariling kapakanan, kundi ang bigyang papuri ang Diyos at paglingkuran ang kapwa. Ito ang halimbawang itinuro ni Hesus noon sa kanyang mga tagasunod at itinuturo pa rin niya ngayon sa iyo at sa akin. Nang sabihin niyang sinumang nais maging dakila ay dapat munang maging lingkod ng lahat, ipinaaalala niya sa atin ang kanyang mga turo at halimbawa. Narito ang isang dumating “upang maglingkod at hindi upang paglingkuran.”

Tama lang na magkaroon ng layon o ambisyon sa buhay. Bilang mga Kristiyano naman, dapat nating suriin kung ang mga minimithi natin ay para lamang sa sariling kapakinabangan o para sa isang tunay na misyon ng pagtulong sa kapwa at pagdakila sa Panginoon.

Alam naman nating kung ano ang dulo ng kuwento. Sa huli, sina Santiago at Juan at mga alagad ay namuhay na nagbibigay pag-asa sa iba at naging handang pang mamatay para sa pananampalataya kay Kristo. Kung mayroong pusong bukas at nananalig, kahit ang makasariling ambisyon ay maaaring maging dalisay na ambisyon para umibig at maglingkod.

Sige, mag-ambisyon na! Pero, para sa Diyos at sa kapwa tao!

–>