IKA-APAT NA LINGGO NG ADBIYENTO K
IKAW NA NANIWALA
Halos nasa pintuan na tayo ng Pasko, ang mga pagbas natin ay nagdadala ng pansin kay Maria, ang birheng malapit nang maging Ina ng Tagapagligtas. Matapos tanggapin ang mensahe ng anghel, hindi niya sinayang ang pagkakataong tumungo kina Elisabet na kanyang pinsan upang doon ay maglingkod sa matandang babaeng ito na malapit nang magsilang ng sanggol.
Sa pagitan ng ng batang lingkod na si Maria at ng kagalang-galang na ginang na si Elisabet, si Maria ang siyang mas tunay na mataas ang kalagayan. Hindi inilarawan sa Kasulatan si Elisabet subalit si Elisabet ay hindi naman nagkulang na ilarawan nang mainam ang kanyang batang pinsan na nagdadalang-tao na rin.
“Pinagpala ka sa lahat ng babae…” “… ina ng aking Panginoon…” “mapalad kang naniwala…” – si Maria ang pinagpala at pinili ng Diyos. Si Maria ang ina ng Mananakop ng daigdig. Si Maria ang huwaran ng pananampalataya sa mga pangako ng Diyos.
Batid kong maraming hindi Katoliko ang nahihirapang unawain si Maria at hindi panatag kapag nasisinagan siya ng atensyon. Mas tanggap siya ng mga Muslim at ibang dakilang relihyong pandaigdig. Subalit bakit nga ba nang dumating ang Mananakop ng daigdig, ang pinili ng Diyos ay isang simpleng babae, isang birheng hindi kilala, isang ordinaryong dilag mula sa isa ding karaniwang nayon, upang maging lalagyan ng Diyos-na-nagkatawang-tao?
May nabasa akong magandang pagninilay sa America magazine ukol sa tradisyon daw ng mga gumagawa ng mga icons na iguhit si Maria bilang ang halamang nagliliyab sa disyerto na siyang nakita noon ni Moises sa disyerto. Bakit inihahalintulad si Maria sa nagliliyab na halaman?
Abala noon si Moises sa pag-aalaga ng mga tupa. Ang nagliliyab na pangitain ay nagpatigil sa kanya sumandali upang magmasid. Namangha siya na hindi natutupok ang halaman kahit na libot ng apoy. Habang nakatambad si Moises sa harap nito, natagpuan niya ang Diyos at ang kanyang bagong misyon sa buhay.
Sa malikhaing pag-iisip ng mga Kristiyano, si Maria ang halamang nagliliyab ngunit hindi natutupok. Sa disyerto ng buhay na puno ng kasalanan at pagtalikod sa Diyos, narito ang isang kakaiba, karapat-dapat sa pagpansin at paghanga. Ang banayad na apoy sa puso ni Maria ay si Hesus, ang Diyos na nais magpakilala, mapansin, marinig at sundin. Habang nagmamasid si Elisabet sa mga biyaya ng Diyos kay Maria, natuklasan niya ang kanyang sarili, ang kanyang anak na si Juan, at ang misyong nakalaan dito. Nasa harapan siya ni Maria subalit ang natutuklasan niya ay ang Diyos na nasa kalooban nito.
Ngayong napakalapit na ng masayang kapistahan, maglaan tayo ng panahon kasama ni Maria at manalanging turuan tayo na tumigil, manatili, at magmasid sa Panginoon na mula sa kanyang puso ay dumadaloy naman sa atin upang tayo ay punuin ng buhay at kahulugan. Amen.