KAPISTAHAN NG BANAL NA MAG-ANAK
PAUWI SA TAHANAN
Matapos ang matagal na hindi pagkikita, nagtagpo din kami ng isang kaibigan. Mahirap pala ang kanyang pinagdaanan. Pinagtaksilan ng mga kaibigan, pinahirapan ng mga kaaway, at itinatwa ng kanyang amo. Matapos ang pagtatalaga ng buhay sa trabaho, dama niya ang pagiging talo at walang pag-asa. Nagulantang siyang ang mga pinagtiwalaan pala ang sisira sa kanyang buhay.
Subalit sa gitna ng pag-uusap, isang mahalagang aral ang natanim sa kanyang isip. Naalala niyang tanging ang pamilya niya ang maaasahan sa mga panahon ng kapaitan at dusa. Dumating sila upang suportahan siya, makiisa sa kanya at punuin siya ng lugod at pagmamahal.
Habang nagdiriwang tayo ng Kapistahan ng Banal na Mag-anak, saksi tayo sa tatag ng pamilya nina Hesus, Maria at Jose. Narito at buo sa harap ng Diyos, at dahil doon, matatag sila sa katapatan sa Diyos at sa isa’t-isa. Ang pagdadala ni Jose at Maria kay Hesus sa templo ay pagbibigay halimbawa sa bata ng kanilang pananampalataya at pagtalima sa Diyos ng Israel. At ang pag-aalala naman ng mga magulang na ito sa pagkawala ng kanilang anak, ay nagsilbing aral kay Hesus kung paano magpakita ng paglingap at pagkalinga sa kapwa, lalo na sa isang mahal sa buhay.
Ang Batang Hesus ay unti-unti ngunit tiyak na natuto sa kahanga-hangang ugali ng kanyang inang si Maria at ama-amahang si Jose. Sa kanyang batang isip, alam niyang nais niyang ialay ang buong buhay sa Ama sa langit. Nakintal din sa kanyang murang isip ang pagnanasang hanapin at ibalik ang nawawala at napabayaan sa lipunan. Mapalad si Hesus sa kanyang mga magulang. Mapalad si Jose at Maria na nag-aruga sa Anak ng Kataas-taasang Diyos.
Walang pamilyang perpekto ngayon sa mundo. Laging may dapat ayusing bagay o ugnayan. Laging may taong dapat tanggapin, unawain, patawarin, hamunin at mahalin nang may pagpapasensya.
Sa gitna ng mga pagsubok sa pamilya, lumapit tayo sa Diyos at hindi sa Facebook (kung saan tila lahat ng pamilya ay masaya at buo). Kumapit tayo ng mas mahigpit sa isa’t-isa, hindi sa ating mga cell phone. Ang panalanging pampamilya at suporta ng pamilya ang susi ng kaligtasan para sa marami sa atin, o para sa lahat sa atin!
Isang ina ang nakabatid na naliligaw ng landas ang anak niya sa pananampalataya nito at sa buhay pamilya nito. Nagkulong sa kuwarto ang ina nang dalawang araw upang magdasal at mag-ayuno para magbalik loob ang anak sa Diyos at sa kanyang mga mahal sa buhay. Nang ikalawang araw, nag text ang anak na katatapos lang niya magkumpisal at handa na siyang umuwi sa pamilya niya. Sana maging mapagtalima tayo sa Panginoon at sa ating mga pamilya tuwina!
–>