DAKILANG KAPISTAHAN NG EPIFANIA (PAGPAPAHAYAG NG PANGINOON)/ TATLONG HARI K
ANG REGALONG NAGTATAGAL
Nang ang panahong ng Kapaskuhan ay naging “happy holidays,” naging pressure sa atin ang magbigay ng mga regalo. Mahirap man o mayaman, ay nagkaroon ng dahilan upang gumasta at bumili ng regalo para sa kapwa. Totoo, mas simple ang pagre-regalo dahil sa hirap ng buhay ngayon. Subalit patuloy pa rin ang pagbili, pagpapalitan… at pagtatago ng regalo sa kabinet!
Sa ibang bansa, pinag-aaralan na kung talaga bang nabubuksan ang mga pamaskong regalo, at nagagamit, o hindi nabubuksan at kung mabuksan man, ay humahantong lamang na nakaimbak sa taguan. Sa ating bansa, gamit na gamit nga ba ang lahat ng tuwalya, tasa, panloob, kalendaryo at diary, accessory ng cell phone, at kikay items na ipinamimigay na pamasko? Pakisilip ang inyong bahay sa mga regalo noong nakaraang Pasko pa na hanggang ngayon ay nasa cabinet lang o kaya ginamit ninyo o ng inyong mga anak nang sandali lamang at saka agad pinagsawaan.
Masdan natin ang mga regalong dala ng mga pantas sa Banal na Sanggol na si Hesus. Tila hindi bagay sa bata di ba? Napaglalaruan ba ng sanggol ang ginto? Gusto ba niya ng amoy ng insenso? Mapapainom mo ba siya ng mapait na mira?
Ang regalo ng mga pantas ay simbolo lamang ng mas mainit na damdamin, mas malalim na pananaw, at mas dakilang kahulugan. Ang tunay na regalo nila ay nasa puso – parangal sa Hari, paggalang sa Pari, pakikipagkaisa sa Manunubos ng mundo. Kung mababaw titingnan, ang mga handog ng tatlong hari ay hindi akma sa isang sanggol, pero kung mamasdang mabuti, ito ang mga regalong nagtatagal, mga regalong may tunay na kahalagahan sa pakikipag-ugnayan sa Diyos at sa kapwa tao.
Ano ang mga ipinamigay mo ngayong Pasko? Nagtipid ka rin ba? O todo ba ang pamumudmod mo? Nagbahagi ka ba ng tunay na malapit sa puso mo o kung ano ang malapit sa “bargain” sa kahera ng grocery?
Paalala sa atin ng pistang ito na hindi kailangan ng Banal na Sanggol ng materyal na kaloob. Tayo rin naman, mas higit pa sa mga gadgets at laruan ang kailangan natin. Ang Diyos at kapwa ay nangangailangan ng regalong nagtatagal. Kaya bago tayo mamaalam sa isa na namang Pasko, tanungin natin ang ating sarili kung tunay bang pinarangalan at pinuri nating ang Diyos sa panalangin at pagsamba. Pagnilayan nating kung naiabot natin sa iba ang regalo ng pagpapatawad at pakikipagkasundo, ng pagtanggap at pang-unawa, ng pasensya at kabutihan. Binigyan din ba natin ang ating sarili ng regalo ng kapayapaan at pagka-mahinahon sa pamamagitan ng pagpapatawad natin sa ating sariling pagkukulang at pangakong tatayo muli at maglalakbay muli?
Panginoon, biyayaan mo po kami na matalos na ang mga regalo namin ay sagisag lamang ng aming puso. Nawa ang aming puso ay mag-alay ng pag-ibig sa lahat ngayong Kapaskuhan at sa ibayo pa, sa bagong taong ito na unti-unting umuusad na. Amen.
–>