IKA-APAT NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K
BUKAS NA LIHAM PARA SA IYO, PANGINOONG HESUS
Panginoong Hesus, nakakalunos naman po ang salaysay ng pagtanggi sa inyo ng mga tao sa mabuting balita ngayon. Ang hirap isipin na matapos ang kanilang paghanga, heto na at nagsimula na silang manghusga sa inyo. Una, hinanap nila ang inyong pinanggalingan at natunton nilang si San Jose ang iyong ama sa Nazaret ay simple lang, karaniwan lang, walang ipinagmamalaki. Pangalawa, hinihingi nilang pasayahin ninyo sila sa pagpapalabas ninyo ng mga himala sa kanilang harapan.
Mahirap unawain kung bakit hindi ninyo sila itinuwid agad at sinabing ang tunay ninyong ama ay ang Diyos Ama sa langit at si San Jose ay ama-amahan ninyo lang sa lupa. Hindi ko maintindihan kug bakit hindi ninyo na lang sila pinagbigyan ng isang himala. Madali lang yun sa inyo, Panginoon. O baka naman, ipinapakita ninyo sa amin kung paano kumilos, o mas maigi pa dun, kung paano kami dapat magnilay bago kumilos, kapag nasa gitna ng pagtanggi o kapag nasusubok ang aming pananampalataya.
Nauulit ngayon ang kuwento ninyo, Panginoon. Tinatanggihan ka na din sa bansa namin. Ang tagapagsalita ng pagtangging ito ay makapangyarihang tao na ikaw din ang naglagay sa rurok ng tagumpay. Siyempre, hindi niya kinikilala yun. Bago, at lalo na pagkatapos maluklok, dinikdik niya ang iyong simbahan at tinawag itong plastik at bulok. Nilibak niya ang mga pinunong relihyoso sa pamamagitan ng pagmumura, at pag-akusa ng kung anu-anong bagay, kahit walang batayan at madalas ay katawa-tawa.
Kamakailan lamang, pinagdudahan niya ang tunay mong kalikasan bilang Diyos kasi daw po meron bang Diyos na namatay sa krus? Hindi nakapagtatakang itatanggi rin niya ang mga aral mo sa Kaharian ng Diyos kung saan ang Ama ay namamayani at ang Espiritu Santo ay kumikilos sa puso ng mga nananampalataya. Hindi maglalaon at kasunod na niyang sasabihin na ang Bibliya ay komiks lang. Hintayin natin sa susunod na buwan.
Kagulat-gulat ang mga pananaita laban sa mga lider relihyoso, lalo na mga pari at obispo na pahapyaw na niyang ipinapapatay sa mga tao bilang biktima ng poot, pagnanakaw at pagpaslang, dahil daw po walang silbi at istupido ang mga ito. Tiyak na gusto niyang wasakin ang simbahan dahil sinabi na niya dati na magtatayo siya ng kanyang sariling simbahan at kaanib niya ang mga tagasunod niya dito.
E, Panginoon, paano naman ang iyong bayan, paano nila tinatanggap ang mga ito? Ayun, nakikitawa sila sa bawat pag-alimura sa kanilang pananampalataya, mga pinuno at mismong Diyos. Sinasabi nila sa facebook nilang “ipinagmamalaki kong Katoliko ako” pero mas malakas nilang isinisigaw na tagahanga sila ng taong walang galang sa kanilang pananampalataya. Ang karamihan, Panginoon, kapwa mula sa mga tao at mga lider man ay tahimik ngayon, walang hudyat ng pagpiglas, pagtutol, at paglaban sa pangyayaring ito na hindi ninyo aasahan sa taong dapat sana’y maging halimbawa ng tamang pagtrato sa kapwa tao.
Nagbibiro nga lang daw ito madalas di po ba? Kung gayon bakit kaya hindi na lang sa showbiz siya pumasok, baka maging kapalit ng yumaong si Dolphy? O baka naman iniisip ng marami na hindi din dapat patulan dahil nakakatakot ang lider na sabay iginagalang at kinasisindakan ng mga tagasunod niya. O baka naman po ang mga tao ay nakaka-relate din naman sa kaniya sa kanilang mga sariling tanong tungkol sa pananampalataya, mga puna tungkol sa kanilang relihyon at mga karanasan ng paglayo mula sa pagiging masunurin at masugid na tagasunod tulad ng kanilang mga ninuno?
Iyong ilan na matapang na nagtatanggol ng pananampalataya, simbahan at prinsipyo nila, ano po kaya ang mas mainam gawin nila? May ilang matapang na gumawa nito at inulan ng puna ng mga pulitiko, mga netizen, at lalo ng mga bayarang trolls. May nagdasal daw na mamatay na siya. O magkasakit. Palagay ko po, base sa mabuting balita ngayon, hindi ito ang turo mong paraan. Hindi nga po kayo nagtanggol ng sarili e. Tahimik ninyong tinanggap ang lahat at lumakad papalayo.
Tinuturuan po ba ninyo kami na maging martir at magdusa nang tahimik at maging duwag na lang? O hinahamon ninyo po ba kami na maglaan ng mas maraming oras sa pagninilay kesa sa pag-aalsa, sa pag-iisip kesa sa pagkasa?
Ang pananampalatayang pamana ninyo sa mga alagad ay kumalat sa buong daigdig at patuloy na ipinapahayag pa sa kabila ng mga pagtutol at pagtuligsa sa mga anak mo sa Tsina, Saudi, Vietnam at iba pa. Sa katunayan, lalong sinusubok ang mga Kristiyano, lalong nagiging matatag sila sa paninindigan at dumadagdag ang bilang. Totoong ang mga Kristiyanong sa aming bansa ay kailanman hindi talaga nakaranas ng pag-uusig, na isang sangkap sa pagpapadalisay at pagpapalakas ng pagmamahal sa inyo, Panginoon.
Nakatala sa kasaysayan na ang mga nagnais magwasak ng iyong ala-ala ay naaalala ngayon sa kasaysayan sa pangit nilang reputasyon bilang malupit, marahas at baliw na mga tao. Hindi po ba sabi ninyo: ang langit at lupa ay lilipas subalit ang aking mga salita ay hindi lilipas? Lubhang totoo ito sa karanasan ng mga dumaan sa apoy ng pagsubok.
Ang naninira sa pananampalataya ngayon ay hindi naman interesado sa matinong tugon mula sa Bibliya, sa Tradisyon, sa aral ng mga santo, at sa teyolohiya. Hindi po, ayaw naman niya ng debate. Ang gusto niya ay lumayo ang mga tao sa pananampalataya. Ganito ang nakita mula sa mga marahas na lider na nagpahina sa simbahan sa Cambodia, Cuba at Albania. Akala ng ilan dapat ipagtanggol ang pananampalataya sa pamamagitan ng paliwanag ng doktrina at dogma. Kahit nga mga panatiko ng ibang sekta at mga kulto ay hindi nadadala sa mga paliwanag, maliban sa iilan. Sa pangkalahatan, ang mga kalaban ng pananampalataya ay walang interes sa matinong sagot mula sa mga nananalig.
Kaya nga, paano po ba kumilos sa ganitong situwasyon, Panginoon? Sa iyong buhay, hindi ka naman naming nakitang sumasagot sa lahat ng nagdududa at tumutugon sa lahat ng pagtutol. Basta, ayon sa mabuting balita kay San Lukas, hinanap mo ang mga mahihirap, ang mga api, nakalimutan, nalulumbay, itinapon, at pinagkaitan ng pagmamahal. Mas matindi ito kesa sa anumang sermon, paliwanag, blog, interview o opisyal na pahayag.
Di ba ito po ang mas matinding hamon, Panginoon? Hindi naman kasi umaalis sa pananampalataya ang mga tao dahil may isang lider na nagduda sa krus, o sa Santissima Trinidad, o sa karunungan at kabanalan ng mga santo. Libu-libo ang mga boses na gumawa na nito noon upang mahikayat ang mga taong lumayo at umanib sa ibang relihyon o sekta o kulto. Kahit ganun pa man, nanatiling tapat ang mga tao at iningatan pa rin ang buod ng pananampalataya.
Nagigising ang mga tao na magtanong at magduda kung nakikita nilang tila totoo ang pamumunang naririnig nila. Maaaring gawa-gawa nga lang ang puna. Pero kung nagsasabog ito ng pagkakatulad sa katotohanan, ang mga tao ay nayayanig, nalilito at nawawala na. Madali na nilang pagdududahan kung saan napupunta ang mga donasyon nila, o kung gaano kayaman ang mga nasa itaas, o kung talaga bang mas tutok ang mga lider nila sa kanilang ipon sa bangko kesa sa pag-aalaga sa kanilang mga tupa. Madali silang magdududa dahil may napapansin na rin sila o masama pa, may nararanasan na silang nakapagpapalayo ng damdamin nila sa mga pastol ng kawan na mas abala sa pagtanggap ng bayad, paglipad sa ibang bansa, paghuhulog sa kanilang condo at pagpapalit-palit ng magagarang kotse.
Panginoong Hesus, naglibot ka sa lahat ng lupalop. Ilan ba sa mga alagad mo ngayon ang naglilibot din kahit walang inaasahang sobre? Panginoon, dumalaw ka sa mga bahay. Sino sa mga alagad mo ngayon ang tumatagal sa kanilang destino na hindi man lamang nasisilip ang bahay na nakapalibot sa kanila maliban kung may handaan doon? Panginoon, hinanap mo ang mga patapon at walang-kuwenta sa lipunan. Bakit po mas madalas na ang lumalapit sa mga taong ito ay ang mga pastor at ministro ng iba samantalang ang mga alagad mo ay busy sa sports channel o sa gym o sa starbucks? Panginoon, namuhunan ka sa puso ng mga kabataan. Bakit bantulot gumasta ang mga alagad mo para sa kapakanan ng mga kabataan habang ang laging kasama nila ay ang mga mommy, tita at manang na mayayaman?
Ay naku, Panginoon, dama ko na nais ninyo ring matuto kaming magtanggol ng aming pananampalataya, isabuhay ito at ibahagi pa ito. Hindi sa paraan ng mundo. Hindi sa taktika ng inapi at huramentado. Hindi sa antas ng isip at argumento. Subalit sa paraan ng puso, ng pagmamahal, ng simpleng pamumuhay, ng tunay na interes sa buhay ng mga taong pinaglilingkuran. Nang hipuin ninyo ang puso ng mga tao, Panginoong Hesus, sinugurado ninyong ninyong mamumunga ang pananampalatayang itinanim ninyo habang sila ay nabubuhay at tiniyak na mananatii ito hanggang sa kanilang kamatayan at sa kabila pa noon. Salamat po sa aral na ito. Sana matuto nga kami…
–>