IKA-8 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K
AYUSIN ANG PANANALITA!
Sa isang lumang komiks na Ingles, tinuturuan ng nanay ang kanyang anak ng tamang pananalita. “Ayusin mo ang ‘grammar” mo,” sabi niya sa anak. Ang akala ng bata ang sinabi ay “grandma” (lola) kaya sumagot ito: Paano ko po iyon gagawin e wala naman si Grandma dito sa atin?
Sa mga pagbasa ngayon ipinapakita sa atin ang kaugnayan ng pananampalataya at pananalita. Sa pagbasa mula kay Sirach, sinasabing dapat nating kilatisin ang tao sa pamamagitan ng kanyang mga salita. Kung ano ang lumalabas sa bibig ay iyon ang namumuo sa pag-iisip. Sa mabuting balita naman, tinuturuan tayo ng Panginoong Hesus na ang kabutihan ng puso ay nagbubunga ng kabutihan at ang kasamaan ng puso ay nagbubunga ng kasamaan. At makikita ang bungang ito sa pagbukas ng bibig ng tao.
Akmang-akma ngayon ang mga pagbasang ito. Napakaraming paraan ng pananalita na ngayon ay nakakasakit, nakakasiphayo at nakawawasak sa kapwa. Nararanasan natin ito pisikal na kapaligiran at gayundin sa “virtual” na kapaligiran sa kinapapalooban natin sa pamamagitan ng teknolohiya at social media.
Nariyan ang “hate speech”: Nagaganap ito kung nagpapahayag ng di mapigil na galit, kung nagbubuyo sa pagkamuhi sa kapwa, kung naghahasik ng paghahati ng mga tao o nagtutulak na gumawa ng masama laban sa iba. Ang hate speech ay nagbunga na ng pagpaslang sa mga taong kabilang sa isang lahi, sa pagkatay sa mga Hudyo sa kamay ng mga Nazi, at sa pagkitil ng buhay ng mga taong pinasasama ng lipunan bilang mga batang-yagit, drug addict, kriminal o kalabang pulitikal.
Mayroon ding tinatawag na “shame speech”: Sa panahon ng pagkamulat sa karangalan ng bawat tao, marami pa rin ang nanghihiya sa mga taong hindi nila kamukha o katulad. Nagkakalat sila ng tsismis o masamang balita, sinisiraan nila ang mga taong kinaiinggitan o kinaaasaran nila. Ang panghihiya sa kapwa ang sanhi ng maraming depresyon at suicide sa lipunan ngayon. Ito din ang nagbubunga ng mga taong wasak dahil sa pambu-bully sa mga paaralan at pamayanan.
At may gumagamit din ng “deceptive speech”: Ito ang kaaway ng katotohanan. Kalat ngayon ang fake news magmula sa opisina ng gobyerno, sa newsroom, at sa tanggapan ng mga bayarang trolls. Dati ang pagsisinungaling ay pribado lamang, ngayon ito ay malakihan na at ipinagtatanggol na ng institusyon. Kay daming naloloko araw-araw ng mga hindi sinasala, hindi napapatunayan at hindi nakokontrol na mga kuwento sa social media natin.
Bilang mga Kristiyano paano ba tayo dapat magsalita o mangusap? Paano ba paaamuin ang ating dila? Paano ba tuturuan ang dila na magsalita tulad ng pagsasalita ng ating Panginoon?
Una, mapagmahal na pananalita: Ang pagmamahal ay hindi kailangang matatakutin o malambot. Kung kailangang magtuwid, dapat itong gawin. Hindi dapat isantabi ang pananagutan na akayin ang iba sa makipot na landas. Magagawa natin ito kung ang motibasyon natin ay pag-aaala sa kapakanan ng kapwa at kung ang paraan ay ang pagiging banayad at matibay sa paninindigan.
Pangalawa, nakagaganyak na pananalita: hindi ito tungkol sa good vibes lamang. O kaya ay positive thinking lamang. Ang positive thinking kasi ay mabuti pero tinuturuan tayong magpanggap na lahat ay ok, madali at walang hirap. Ginanyak ni Hesus ang mga tao hindi sa positive thinking kundi sa pananampalataya. Ang mga salita natin ay dapat makatulong sa iba na harapin ang kanilang mga situwasyon sa buhay, hanapin ang kaloobang ng Panginoon, at pasanin ang kanilang krus kung kailangan na. Hindi tulad ng positive thinking, ang nakakaganyak na pananalitang Kristiyano ay hindi nakasalig sa sariling kakayahan o lakas ng loob, kundi sa Diyos Amang mapagmahal.
Huli, makatotohanang pananalita: Akala natin ngayon ang kasinungalingan ay hindi nakapipinsala; na ang konting pagsisinungaling ay hind makaguguho ng ugnayan. Pero ang katotohanan ay sangkap ng pagmamahal, at kahit pa minsan ay nakasasakit ng kalooban, sa huli, makapangyarihang ito upang buksan tayo sa lalong pag-ibig, paggalang at pagpapatawad.
Anong paraan ng pagsasalita ang nakasanayan mo na? Bilang isang Kristiyano, huwag nawang makinig lamang sa Salita kundi maging tunay na tagapagpahayag ng Salita sa bawat salitang namumutawi sa ating mga labi.
–>