IKAPITONG LINGGO SA KARANIWANG PANAHON K
IPAUBAYA MO SA DIYOS
Sabi ng kaibigan ko, may style daw siyang ginagamit sa mga mandarambong na taxi driver. Kapag siningil siya ng sobra, hindi na siya nakikipagtalo. Pero pag abot niya ng bayad sinasabi daw niya: Eto kunin mo lahat ng pera ko. Iyong iba, bayad sa pasahe. Iyong tira, abuloy ko sa susunod na mamamatay sa pamily mo.”
Kapag ginawan tayo ng masama, ang hirap palampasin. Ininsulto tayo at sinaktan kaya gusto natin bumawi agad. Ito ang pakiramdam ng kasama ni David nang masukol nila si Haring Saul na kanilang kaaway. Gusto niyang patayin si Saul subalit pinagbawalan siya ni David na saktan ang hari.
Sa mabuting balita ngayon, nais ng Panginoong Hesus na iunat pa natin ang pasensya, lawakan pa ang pang-unawa, at ibukas pa lalo ang puso. Paano nga ba mamahalin ang kaaway, ipagdarasal ang tumutuligsa at ipaghahangad ng mabuti ang sumusupil sa iyo kung hindi nga lalabanan ang angkin nating kalikasan?
Kung susundin ang pakiramdam, tiyak mas gusto natin ang “matamis na paghihiganti.” Gusto nating maging mabuti sa mga mabuti sa atin. Pero gusto naman din nating wasakin at patikimin ng pait ang mga gumagawa ng masama sa atin. Ano nga ba ang dulot ng paghihiganti? Tiyak na hindi kapayapaan, kundi ibayo pang galit, poot, karahasan at pananakit. Kaya nga agad hiningi ng mga Kristiyano sa Jolo matapos ang pagsabog sa kanilang katedral at pagkamatay ng maraming Kristiyano doon, na maging panatag at magpatawad.
Sa halip na paghihiganti, hinihikayat tayo ng Panginoong Hesus na sumangguni sa “dakilang katarungan” ng Diyos. Kasi ang katarungan ng Diyos ay ang kanyang habag. Sa biyaya ng Diyos, dapat matuto tayong manaig laban sa kasamaan sa paligid: magmahal ng kaaway, pigilin ang panghuhusga, magpatawad kahit mahirap, at magbigay, ayon kay Mother Teresa, hanggang kumikirot na ang puso. Hindi nga ito madali kaya nga ang taong may pananampalataya at kumakapit sa DIyos sa gitna ng mga trahedya ng buhay ang nakagagawa nito. Sabi ni San Pablo sa mga taga-Corinto, dapat lupigin ang makamundong gawi sa pamamagitan ng makalangit na wangis na nasa ating puso.
Ang dakilang katarungan ng Diyos ay naniniwala sa pagbabalik-loob ng makasalanan at sa pagpapadalisay sa mga tapat na. Minsan, mabagal ang kilos nito, pero sa huli, mas matamis pa ito sa dagliang paghihiganti!
–>