Home » Blog » DAKILANG KAPISTAHAN NG MULING PAGKABUHAY K

DAKILANG KAPISTAHAN NG MULING PAGKABUHAY K

SA KANYA ANG KAPANGYARIHAN

Isang babae ang nakikipagbuno sa kanser sa loob ng 15 taon. May nakita na namang kanser sa kanya ngayon. Puno ng pag-aalala, pagkayanig at pagkatakot, nasabi niya lahat ito sa doktor. Hindi Katoliko at hindi relihyoso ang doktor pero nakakagulat ang sinabi nito sa babae: Naniniwala ka ba sa panalangin? Ang babae naman, na totoong relihyoso, ay nagka-inspirasyon at lakas ng loob sa kapangyarihan ng panalangin na magwagi laban sa kanyang kanser.

Himala ng mga himala – iyan ang Muling Pagkabuhay ni Kristo! Matapos ang paghihirap, sakit at kamatayan ng Panginoon, ngayon ipinahahayag natin ang kanyang tagumpay! Hindi maigugupo ng kamatayan si Hesus. Nabuhay siyang muli bilang Panginoon ng buhay, at tagapagbigay ng bagong buhay! Aleluya!

Magugulat siguro tayong malaman na maraming walang pakialam sa Easter sa buong mundo. Marami ring hindi naniniwala na nabuhay muli si Hesus. Maging mga bible scholar ang nagtuturo na nasa isip lang ng mga apostol ang muling pagkabuhay. Ang naganap lang sa kanila ay inspirasyon, bagong lakas, at ibayong tapang mula sa kanilang mga ala-ala ng pagiging kaibigan ng Panginoong Hesukristo.

Kung walang Pagkabuhay, wala din kapangyarihan. Ang inspirasyon ay hindi nagtatagal. Ang motibasyon ay humahantong sa pagkapagod. Ang pagpapanggap ay kailangang yumuko sa katotohanan. At kung walang tunay na bukal ng lakas, ang susunod na aasahan ay pagkatigang lamang.

Maraming gumagaling dahil sa panalangin. Maraming nabubuo at nagbabago dahil sa panalangin. Mabisa ang panalangin dahil may Diyos na totoong nakikinig at nakikilakbay sa atin. Si Kristong Muling Nabuhay ay maaasahan na humipo sa ating mga sakit at kahinaan, pumawi ng ating pangamba at takot, at magdulot sa atin ng paghilom at pagpapanariwang muli.

Dahil sa sinabi ng doktor, nabuhay ang pananampalataya ng babae sa Tagapagligtas na tunay na buhay ngayon! 15 taon nang sinasamahan ni Hesus ang babae sa gitna ng karamdaman. Ilalampas niya ito muli sa anumang nakaambang mga pagsubok. Napakasarap malaman na tunay na may Tagapagligtas ang sanlibutan.

Nananalig ka ba sa Pagkabuhay ni Kristo? Sa kanyang tagumpay laban sa kamatayan? Kung gayon, makikita mo siyang kumikilos sa iyong buhay. Madarama mo siyang nagtatatag muli ng pag-asa, kalusugan, at kaligayahan! Aleluya! Maligayang Pasko ng Pagkabuhay!

–>