Home » Blog » IKALAWANG LINGGO NG PAGKABUHAY – DAKILANG AWA K

IKALAWANG LINGGO NG PAGKABUHAY – DAKILANG AWA K

SALAMAT AT NABUHAY KANG MULI!

May panahong tila ang buhay ay paulit-ulit lang, nakakasawa at di nagbabago. Wala tayong inaasahang mangyayaring kakaiba na magpapabago ng ating kilos o isip man. Kahit mali ang ginagawa natin, kung wala namang nagsasabi nito, hindi natin dama na may kulang o masama.

Ganito ang problema ng kaibigan ni Hesus na si Tomas. Alam niyang namatay ang Panginoon, na nalibing ito at kung sino ang mga dumalo. Tanggap na niya sa puso na tapos na ang lahat. Sa kanyang pagsama sa mga ibang apostol, akala niya tuloy lang ang buhay bagamat wala na si Hesus. Kahit noong sabihin nila sa kanyang may magandang balita, patuloy siyang kumapit sa kanyang dating alam, nadama at pinanaligan. Tila imposible naman ang balita ng ibang mga alagad!

Alam ng Panginoong Hesus kung ano ang naglalaro sa puso’t isip ni Tomas. Tapat ito at mabuti. Pero kailangan nito ng natatanging pakikialam upang makumbinsi na kumikilos na siya ngayon at buhay sa kanyang piling. Kailangan ni Tomas ng dakilang awa ng Diyos upang maakay muli sa pananampalataya sa kanya.

At anong laking pagbabago kay Tomas. Mula pag-aalinlangan tungo sa paninindigan! Mula pagkabigo tungo sa matinding silakbo! Hanggang sa dulo ng buhay, ang karanasan ni Tomas kay Kristong Muling Nabuhay ang kanyang ipangangalat sa buong mundo!

Ang awa ng Diyos ang siyang humihipo sa mga bahagi ng buhay natin na siya lamang ang makapapasok. Inilalapit tayo ng kanyang pag-ibig sa kanyang presensya at katotohanan. Minsan kailangan ng himala, at hindi magdaramot ang Panginoon ng himalang kailangan upang magsindi muli ang ating tiwala sa kanya at direksyon sa ating buhay.

Isang doktor na aborsyonista ang nagpatotoo na tila mas maraming pa siyang napatay kaysa mga serial killer. Akala niya ay tinutulungan niya ang mga kababaihan na ibsan ang kanilang problema. Nag-aaborsyon pa nga siya kahit mismo siya ay nagdadalang-tao. Pero nagulat siya sa pighati ng ilang babaeng atubiling ipalaglag ang kanilang anak. Naguluhan ang doktora, naghanap ng sagot at natagpuan ang Panginoon sa simbahan at sa tulong ng isang pastor.

Nang makilala niya si Hesus na muling Nabuhay, naunawaan niya ang kanyang pagkakamali. Nabatid niyang napatawad na siya at napatawad din niya ang sarili. Sa huli ng kanyang pagsaksi nasabi niya: “Salamat at may Tagapagligtas ako; napatawad niya ako; kinuha niya ang nawasak at binuo muli ito.” Tulad ni Tomas, ang doktora ay nagkaroon ng bagong landas, sariwang layunin, at malalim na kahulugan sa buhay.

Ganito ang Panginoon sa atin araw-araw, habang pinupuno tayo ng hamog ng kanyang awa. Hindi ba tayo dapat laging magpasalamat na buhay ang ating Tagapagligtas?

–>