MULING PAGKABUHAY: ANO KAHULUGAN NITO?
UNA, HINDI ITO SIMPLENG PAGBABALIK SA NORMAL NA BUHAY NG ISANG NILALANG, NA PAGKARAAN NG ILANG PANAHON AY MAMAMATAY MULI; HINDI PARANG ISANG TAONG NA-REVIVE O NA-RESUSCITATE NG RESCUE TEAM. BALANG ARAW, MULI ITONG BABAWIAN NG BUHAY. HALIMBAWA DIYAN SI LAZARO NA BINUHAY MULA SA LIBINGAN O ANG ANAK NA BABAE NI JAIRO. KAPWA SILA TATANDA PA AT MAAARING MAGKASAKIT O MANGHINA AT TIYAK NA MAMAMATAY DIN.
IKALAWA, HINDI ITO ISANG PAGDALAW NG MULTO O ESPIRITU. SI HESUS AY HINDI BAHAGI NG MUNDO NG MGA PATAY NA NGAYON AY NAGKAROON NG PAGKAKATAONG DUMALAW SA MUNDO NG MGA BUHAY. HALIMBAWA ANG MGA NAPAPABALITANG PAKIKIPAGNIIG NG MGA YUMAO SA KANILANG MGA KAMAG-ANAK MATAPOS ANG KAMATAYAN, NA TILA NAKIKITA O NAGPAPARAMDAM PA SILA SA PANAGINIP O SA IBANG PARAAN.
IKATLO, HINDI ITO MGA KARANASANG MISTIKAL KUNG SAAN ANG ESPIRITU NG TAO AY SANDALING NAITATAAS O INIAAKYAT UPANG MAKANIIG ANG DAIGDIG NA LAMPAS SA ATING KARANIWANG BUHAY; AT PAGKATAPOS AY BABALIK DIN SA NORMAL NA GALAW NG MUNDO O TAKBO NG BUHAY. HALIMBAWA ANG MGA NAGAGANAP SA MGA SANTO NA, SA LALIM AT TINDI NG PANALANGIN, AY NAWAWALAN NG MALAY SA PALIGID AT TILA PUMAPASOK SA IBANG DAIGDIG NA SILA AT DIYOS LAMANG ANG MAGKAULAYAW; PAGKATAPOS NG ILANG SANDALI, BALIK SA DATI NA NAMAN; PARANG TINATAWAG NA “TRANCE.”
ANG MULING PAGKABUHAY NI HESUS AY TUNAY NA PANGYAYARI SA KASAYSAYAN TULAD NG PAKIKIPAGTAGPO NIYA KAY SAN PABLO SA LANSANGAN PATUNGONG DAMASCO (2 COR 12: 1-4); ISANG PAKIKIPAGTAGPO SA BUHAY NA TAO! GANITO RIN ANG NAGANAP KAY MARIA MAGDALENA, SAN PEDRO, MGA APOSTOL, AT KAY SANTO TOMAS, AT IBA PA.
ANG MULING PAGKABUHAY NI HESUS AY NASASALOOB SA KASAYSAYAN NG MUNDO HABANG NAGBUBUKAS DIN NAMAN SA BAGONG DIMENSYON, AT NAG-AAKAY SA KASAYSAYAN SA MAS LAMPAS O MAS MATAAS PANG MGA KARANASAN.
NAKAUGAT SA KASAYSAYAN, SUBALIT HIGIT PA RITO. HINDI LAMANG MAS MATAAS O NASA LABAS NG KASAYSAYAN KUNDI TUNAY NA NAKAUGAT DITO DAHIL NAG-IWAN ITO NG BAKAS SA KASAYSAYAN NG BUONG MUNDO. TUNAY NA KAKAIBANG-KAKAIBA SA LAHAT ANG KARANASAN AT PANGYAYARI NG MULING PAGKABUHAY NG PANGINOON NATIN.