Home » Blog » IKA-ANIM NA LINGGO NG PAGKABUHAY K

IKA-ANIM NA LINGGO NG PAGKABUHAY K

ANG MAPAYAPANG ESPIRITU

Hindi ba sapat na wala nang kapayapaan sa mundo? Tingnan lang sa tv, subaybayan sa radio, at tunghayan sa internet. Kailangan pa bang pati sa ating puso, maramdaman din nating nanganganib ang kapayapaan?

Araw-araw tayo nakikipagbuno upang mapanatili ang kapayapaan ng puso at isip. Nagsisikap tayong maganap ito sa ating mga mahal sa buhay at kaibigan. At kung tila nananalo na tayo, siya namang biglang mababasag ang kapayapaang ating pinagsisikapan. Tandaan po natin, lahat ng dahilan upang mawala ang kapayapaan ay mga masasamang dahilan. Mula kasi ito sa galit, takot, tunggalian, pagmamataas, at kakulangan ng tiwala sa sarili at lalo na sa Diyos.

Alam ng Panginoon na nais natin ang kapayapaang dala ng mundo. Isang buhay na walang gusot, walang gulo, at puno ng sagana at kapanatagan. Pero kund dumating man ito, tiyak na mabilis lang at marupok pa rin.

Ngayon ipinapadala sa atin ng Panginoong Muling Nabuhay ang kaloob niya at ng Ama. Iniaalay niya ang Espiritu Santo na pangako noon at katuparan na ngayon. Ang Espiritu Santo, kasama ng Ama at Anak sa iisang pagka-Diyos, ang magtuturo at magpapa-alala sa ating mga tagasunod ni Hesus ng susi ng kapayapaan.

Habang nasa mundo si Hesus, ang mga alagad ay nagsaya sa kanyang presensya. Lumakas sila sa kanyang mga salita. Tumatag sila sa kanyang halimbawa. Ngayong kapiling na siya ng Ama, wala nang ugnayang direkta at pisikal sa Panginoon. Pumasok na sa bagong landas ng pananampalataya; ang paniniwala kahit walang nakikita. Dito rin pumapasok ang problema natin. Marami ang kulang sa pananampalataya; marami ang marupok ang pananampalataya.

Dahil dito ipinagkakaloob sa atin ang Espiritu Santo. Ipapaalala niya ang tagumpay ni Hesus. Ipapaalala niyang siya ay nabuhay muli at nilupig ang kamatayan at kasamaan. Ituturo niya ang mga landas ng pagtuklas sa Diyos na kaylapit sa atin at kaybuti sa atin magpahanggang ngayon sa gitna man ng mga pagsubok natin sa buhay.

Paano mo nararanasan ang kawalan ng kapayapaan ngayon? Saang bahagi ng buhay mo nadarama ang lungkot at siphayo? Magsimula tayong magdebosyon sa Espiritu Santo, ang Diyos na nasa ating puso at nag-uugnay sa atin sa Ama at sa Anak. Magtiwala sa kanya na aakayin kang muli sa kapayapaan. Maniwalang dadalhin ka niya sa mas malalim na tiwala sa pag-ibig at kapangyarihan ng Diyos.

(paki-share sa isang kaibigan ang blog na ito)

–>