Home » Blog » IKA-14 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

IKA-14 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

ANONG PAKI NATIN SA ANIHAN?

Tila basang-basa ang imahen ng mga lider espirituwal ngayon, maging pastor, pari o misyonero. 

Paano ba naman, usap-usapan ang kanilang mga pagkukulang at kasalanan. 

At di ba nag-utos pa ang pangulo ng bansa natin ng pag-atake, pananakit at maging pagpatay sa mga pastol ng pananampalataya. 

At totoong maraming iba pang banta at tunay na panliligalig sa buhay ng mga lingkod ng simbahan ngayon.

Pero mas totoo pa rin ngayon ang eksenang inilarawan ng Panginoong Hesus sa Mabuting Balita. 

“Malaki ang aanihin at kakaunti ang manggagawa.” 

Napakaraming dapat gampanan sa pagpapahayag ng Salita ng Diyos.

Gutom sa katotohanan at uhaw sa gabay at inspirasyon ang mga tao kahit saan man.

Sa isang banda ang krisis sa ating simbahan ay nagpapaunawa sa atin na maging ang ating mga lider sa simbahan ay hindi lampas at ligtas sa kalikasan ng pagiging tao na mayroon sa ating lahat.

Subalit ang anumang kahinaan at kasalanan ng mga naglilingkod ay hindi nag-aalis ng pangangailangan para sa mas marami pang manggagawa o lingkod ng pamayanang Kristiyano.

Kailangan pa rin ng Panginoon ang mga lalaki at babae na makakatuwang niya sa pagliligtas, 
para sa kalayaan ng kaluluwa at sa pag-unlad ng bawat situwasyon ng tao.

Kailangan pa ba nating magmalasakit para sa ating mga pinunong-espirituwal? Opo naman! Bakit? 
Una, dahil ito ay mismong utos ng Panginoon natin. “Hilingin ninyo sa may-ari ng anihan na magpadala ng mga manggagawa.” 

Ang paglilingkod sa Panginoon ay hindi career, hindi para kumita, o magpayaman (alam kaya ng maraming lingkod iyan?). 

Ang paglilingkod ay kaloob ng Panginoon. 

Siya ang tumatawag at nagsusugo. 

Kaya kailangan nating magdasal na magpadala siya sa atin ng mga mabubuti at banal na lingkod.

Ang pagdarasal para sa kanila ay ang ating pakikiisa sa kanilang mahalagang gawain ng pagpapahayag ng mensahe ng Diyos para sa ating mundo ngayon. 

Habang ipinagdarasal sila, lalo silang nagiging seryoso sa pananagutan nila na magtalaga ng sarili at maglaan ng puso.

Dito kahanga-hanga ang mga ordinaryong Katoliko. 

Kahit minsan ay nasasaktan sila ng kanilang mga pinuno, mahal pa rin nila ang kanilang mga pastol ng pananampalataya.

Sana lang, suklian din ang kanilang pagmamahal ng tunay na serbisyo at dedikasyon.

Ikalawa, kapag nagmalasakit tayo sa mga pastol natin, nauunawaan nating hindi lang sila ang tinatawag ng Diyos – kundi LAHAT ng Kristiyano!

Hindi tayo mga tagapanood lamang sa tabi kundi may gampanin din tayo. 

Hindi tayo taga-tanggap lamang ng mabuting balita kundi mga aktibong kalahok ayon sa kanya-kanyang antas ng ating buhay. 

May-asawa man, single, balo, kabataan, katandaan, propesyunal, estudyante, pari o madre – lahat ay dapat tuwang na magtaguyod ng Salita ng Diyos sa mundong ito.

Ipanalangin natin ang mga pastol natin na palakasin at alagaan ng Diyos. 

Pero ipagdasal natin na tayo din ay maging mga manggagawa din sa anihan ni Hesus, mga pastol at lingkod sa anumang lugar at situwasyon tayo isinusugo ng Panginoon ngayon.

(huwag kalimutang i-share sa kaibigan, ok? thanks)

–>