Home » Blog » IKA-16 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

IKA-16 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

HUWAG GAWING KUMPLIKADO ANG BUHAY

Kalimutan na ang sinasabing away-kapatid. 

Matagal na nating pinag-aaway si Marta at Maria.

Na si Marta ang masipag at marubdob na lingkod ni Hesus. Na si Maria naman ang tamad at walang ginagawa kundi maupo at makinig lamang sa mga pangaral ng Panginoon.

Kalimitan na rin ang tanong kung sino nga ba ang mas dakila. 

Sa pagpapaliwanag nitong mabuting balita, ginagawa nating angat si Maria kaysa Marta. Ang pakikinig ni Maria ay mas higit kaysa sa pagluluto ni Marta sa kusina. 

Kung tutuusin, hindi naman sinabi ng Panginoon na walang kuwenta ang ginawa ni Marta. Palagay ko, nasarapan at nabusog din siya sa masasarap nitong niluto.

May nagsulat tungkol sa mas balanseng pang-unawa sa salaysay lalo na sa mga salitang: “Pinili ni Maria ang mas mahalaga.” 

Mayroon daw mga bersyon ng bibliya na ang sinasabi ay: “Pinili din ni Maria ang mas mahalaga.” 

Ibig sabihin, si Marta din ay tagapakinig sa Panginoon, at baka nga mas nauna na siyang nakinig kaya may panahon na siyang magluto sa kusina. 

Tandaan po natin na parehong mga alagad ang magkapatid hanggang kamatayan nila at wala sa kanilang tunggalian o kumpetisyon sa atensyon ni Hesus.

Ang tanging sinabi ng Panginoong Hesus kay Marta ay isang mahalagang mensahe para sa ating lahat. 

Si Marta daw ay “lubhang abala” sa panahong naroon si Hesus sa kanyang tahanan. 

Tulad ng iba pa, si Marta ay madaling nawala sa tuon o pokus at nagpapagod sa mga bagay na nakakatunaw ng espiritu sa halip na nakakapagpalakas nito.

Sa buhay natin ngayon hindi ba ganito ang situwasyon:

Dati, ang tanong: “Kumusta na?”
Ang sagot natin: Mabuti naman.”

Ngayon, ang tanong: “Kumusta na?”
Ang sagot natin lagi: “Eto busy.”

Busy saan? 

Maraming mga nagkalat sa buhay natin ngayon na:
 …bagay na dapat gawin, 
…taong kakausapin, 
…bagay na pag-iisipan, 
…planong isasagawa, at 
…lugar na pupuntahan. 

Kaya mas maraming tao ang puno ng istres, namumoblema, masakit ang ulo o katawan, at hindi makatulog. Busy e!

At sa kabila ng pagiging busy, wala nang oras sa mga “mas mahalagang” bagay – 

…kuwentuhan sa mga anak, 
…pagdarasal o pagninilay, 
…komunikasyon sa mga tunay na kaibigan, …pagdalaw sa mga matatandang magulang o kamag-anak, o 
…kahit na ang pamamahinga at pag-iipon ng lakas.

Ang hamon sa atin ng Panginoon ay napapanahon dahil sa masyado nating pinipili na maging busy sa ibang bagay na hindi lahat ay tunay na importante sa buhay natin. 

Hindi sinasabi ni Hesus na maging tamad tayo, ang gusto lang niya ay maging mas tutok sa mga bagay na lalong mahalaga sa huli. 

Pakitanong sa sarili kung ano ba ang pinagkaka-“busy”han mo ngayon.

Humingi sa Panginoon ng liwanag upang mabatid ang ang mga bagay na tunay na makakatulong sa iyo upang lumago ka 

…bilang tao, 
…bilang kapwa at 
…bilang Kristiyano.

(paki-share po para lalong makatulong sa iba at dumami ang magpuri sa Panginoon. thanks po!)