IKA-17 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K
SALAMAT, TATAY ABRAHAM
Mainam pagnilayan si Abraham sa unang pagbasa ngayon mula sa Genesis 18.
Bihira natin gawin sa Misa na pagnilayan ang mga kuwento ng mga tao sa “unang” tipan.
Sa totoo lang, malaking tulong na malaman ang aral na handog ng Lumang Tipan para sa atin ngayon.
Balikan natin konti ang salaysay sa linggong ito.
Nagalit ang Diyos dahil sa kasamaan ng tao at nais niyang puksain ang lahat.
Mahal ni Abraham ang kanyang kapwa Hudyo kaya naisip niya ang “makipagtawaran” sa Panginoon.
Kung may 50 tao po na mabuti, wawasakin mo pa ba ang lahat?
Sabi ng Panginoon, hindi daw.
E kung may 45 na tao lang ang makatarungan pa?
Sabi ng Panginoon, hindi din daw.
E kung may 40, 35, 30, 25…?
Nangako ang Diyos kay Abraham: kahit 10 na lang ang matapat na tao.
Hindi ko gugunawin ang lupain. Kaso, hindi umabot sa 10 ang natagpuan ng Panginoon.
Batid ni Abraham na makatarungan ang Diyos.
Dapat niyang ituwid ang pagkakamali na bunga ng kasalanan.
Pero sa puso ni Abraham, alam niyang higit pa dito ang Diyos.
Ang Diyos ay mahabagin din; maawain sa kanyang mga anak.
Pinilit ni Abraham na hanapin ang gitna.
“Panginoon, alam kong hindi mo wawasakin ang mga mabubuti dahil wala silang ginawag masama.
Pero ang mga makasalanan, bakit naman kailangan mo silang puksain kung kaya mo naman silang baguhin?”
Tama lang na may parusa.
Minsan nga, dala-dala na ng kasalanan ang sariling parusa nito.
Pero ang makasalanan, kung magbabago, ay hindi na kaaway ng Diyos kundi kaibigan na.
Mas mataas ang Diyos sa kasamaan at dahil dito, kahit magparusa man siya,
kaya niyang magpasya na magpatawad din.
Isang bagay ang buhay sa puso ni Abraham.
May tiwala siya sa habag ng Diyos.
May tiwala din siyang magbabago pa ang mga tao.
Kung wawasakin ang lahat dahil sa kasalanan,
sino pa ang magpapatuloy ng pangarap ng Diyos na kabutihan, kapayapaan, katarungan at pagmamahalan?
Kung may makikita pang mabubuti sa mundo at kung mapapatawad pa ang mga makasalanan
hindi ba, may mabubuo pang binhi upang magsimula muli?
Inihahanda tayo ni Abraham para sa panahon ni Hesus.
Dahil ang Panginoong Hesus ay naging tao tulad natin, kapatid at kaibigan natin,
at dahil siya din ang Bugtong na Anak ng Diyos,
laging may makikita sa ating piling na mabuti, matuwid, ang walang bahid ng kasalanan.
Si Hesus ang sagot ng Ama sa kasalanan.
Sa pamamagitan niya, walang pagkawasak kundi pagbabagong-buhay na lang.
Pinasan pa nga niya lahat ng parusang dapat sa atin sa krus.
Sa pamamagitan niya, ang habag ng Diyos ay nakikita, nadarama, nararanasan na.
Alam natin ito sa tuwing lumalapit tayo sa Ama sa pangalan ni Hesus na Anak niya.
Nakikipagbuno tayo sa kasalanan araw-araw.
Nakikipagbuno tayo sa ating mga kahinaan bawat sandali.
Halos matabunan tayo ng kasamaang naghahari sa puso natin at sa lipunan.
Huwag panghinaan ng loob; huwag mawalan ng pag-asa.
Pagpasensyahan mo minsan ang iyong sarili.
Laging maniwala na may pag-asa pa dahil si Hesus ang siyang laging “tumatawad” sa Ama para sa atin.
Narito siya upang alisin ang ating pagkakasala.
Sa panalangin, sa kumpisal, sa sakripisyo, sa mabubuting balak…
Madadala natin sa Panginoon ang ating mga kasalanan.
Madarama natin ang kanyang pagka-mahabagin.
Tandaan lagi:
“Humingi ka at ikaw ay bibigyan; humanap ka at ikaw ay makasusumpong; kumatok ka at ikaw ay pagbubuksan.”
(paki share sa mga kaibigan para makatulong at magpuri sa Diyos lalo na po!)