Home » Blog » IKA-21 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

IKA-21 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

PINAKAMALIIT, PINAKAHULI, PINAKA-NALILIGAW

Isa ka ba sa mga nagulat nang ihayag na simula na ang proseso sa simbahan para sa pagka-santo ng isang kabataang Pinoy na si Darwin Ramos?

Ang tawag na sa kanya ngayon ay “Lingkod ng Diyos” at sana balang araw ay “Beato,” at pagkatapos ay “Santo” Darwin na! Okey yun di ba?

Ako nagulat talaga sa balitang ito. Sino nga ba ang future santo natin? Hindi ko siya kilala kaya napilitan akong magsaliksik.

Maagang namatay si Darwin sa isang ampunan ng mga mahihirap na kabataan sa Quezon City. Bago siya napunta dito, nangangalakal siya ng basura kasama ang kapatid, sanay sa mga tambakan kung saan naghahagilap ng mga maibebentang plastik, papel at bakal.

Kaya hindi talaga siya mayaman, malinis at kaakit-akit; hindi ang tipong nanaisin mong maging barkada ng mga anak mo.

Nang magkasakit si Darwin at nanghina ang katawan, ginawa siya ng tatay niya na pulubi sa istasyon ng LRT sa Maynila.

Kaya hindi rin siya sikat. Baka nga nadaanan ko pa siya minsan sa LRT at hindi ko man lang pinansin ang kanyang paralisado, payat at maruming katawan. Di ba ganyan tayo magbalewala sa mga tao sa lansangan; kaydaling magsara ng mata… at ng puso sa kanilang presensya! Arayku!

At nang sa wakas humantong siya sa ampunan, ang future santo natin ay namuhay na hindi kilala, hindi maimpluwensya at hindi marangya sa loob ng ampunan. Pero dito niya nakilala at tinanggap sa puso ang Panginoon; nagpabinyag siya at naging sobrang madasalin at mapagmahal sa kapwa.

Simula niyang ibinahagi ang pagmamahal ni Hesus sa pamamagitan ng kanyang ngiti, panalangin, pag-aalala sa iba, pagka-magiliw, at anumang munting bagay na mayroon siya. At wala naman siyang gaanong taglay… kung tutuusin, wala talaga… tanging pananampalataya lamang ang inspirasyon niyang naibahagi sa kapwa.

Nang sabihin ni Hesus na ang huli ang mauuna ang at una ang mahuhuli, ito na yata ang kanyang pinakamakapangyarihan at pinakaseryosong pananalita!

Bukas para sa lahat ang Kaharian ng Diyos! Malapad at kasya ang kalalagyan ng lahat ng kanyang mga anak. Pero, ang pagpasok sa kahariang ito ay para sa mga pinakamaliit, pinakahuli, pinaka-naliligaw na siyang nagbubukas ng puso kay Kristo at nagtatalaga ng sarili upang sundan siya sa mga simple, munti, at mapagmahal na paraan.

Lagi tayong nag-aalala kung sino ang maliligtas, tulad ng taong nagtanong sa Panginoon. At tila alam natin ang sagot tungkol sa kaligtasan:

Maliligtas ka kung “born-again ka.”

Makakarating ka sa langit ka kung magsisimba ka lagi at magkukumpisal.

Ligtas ka na kung susunod ka sa pope, sa preacher, sa punong ministro ng iyong simbahan, fellowship, iglesia etc…

Sa iyo ang langit kung bahagi ka ng “tunay” na simbahan na ito… o ng “isa pang” tunay na simbahan doon naman… o ng “nag-iisang tunay” na relihyon sa mundong ito.

Subalit ang sabi ng Panginoon maraming kakatok sa pinto ng langit at ang sasabihin niya ay: Hindi ko kayo nakikilala!

Ang kilala lamang ng puso ni Hesus ay ang pinakahuli sa lahat…

Ang mga walang kakayahang magdonate ng malaki…

Ang mga hindi naiimbitahang mag-dinner kasama ni father, ni bishop o ni pastor…

Ang mga itinuturing na balewala, walang kuwenta at walang impluwensya sa mga nasa posisyon…

Ang mga dukha at mahina…

Ang huli, maliit, at naliligaw, na siyang mas nakararami sa mga kapatid ni Hesus sa mundong ito.

Sila ang darating mula silangan at kanluran, at kakain at uupo sa hapag na kasama ang Ama, Anak at Espiritu Santo – ang Diyos ng mga walang kuwenta at walang kabuluhan ngunit may lugar sa kaharian!

(salamat po sa mga nagbasa at nag-share nito sa kanilang social media)

–>