Home » Blog » IKA-22 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

IKA-22 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

TOTOONG KABABAANG-LOOB?

Naitaas ka ng posisyon pero hindi mo maikwento sa iba dahil baka masabihan kang nagyayabang.

Nalaman mong nakapasok ka sa scholarship pero hindi ka makapagsaya dahil baka maging mapagmalaki ka.

Lagi kang naglalakad na nakayuko dahil ayaw mong isipin nilang nagmamataas ka.

Kahit pintasan o siraan ka nila, umiiwas kang makipag-away kaya tahimik na lang.

Sa pulong, pigil kang magsalita ng iyong mga iniisip dahil baka sabihin nilang ipinipilit mo ang iyong kagustuhan.

Sa mga nabanggit na sitwasyon, humble ka ba? Tiyak, HINDI!!

Inaakala nating ang kababaang-loob ay isang katangiang nagpapalamuti sa pagkatao, nagpapaganda ng ugali, at nagpapatingkad ng sarili.

At totoo namang ang kababaang-loob ay nagpapaganda sa sinumang yumayakap nito.

Pero pag tumigil tayo dito ay susupilin natin ang kahalagahan ng pagiging mababang-loob. Kalahati lang kasi ito ng buong tagpo.

Dito rin nagsisimula ang panlilibak at pagpapanggap sa kababaang-loob na sa katotohanan, ay hindi nakararating sa antas ng tunay at Kristiyanong katangian ng pagpapakumbaba.

Sinasabi sa atin ng Panginoong Hesus: ang nagpapakababa ay itataas, at ang nagpapakataas ay siyang ibababa. Pero ano ang kababaang-loob para kay Hesus?

Hindi ito maging humble para masabi lang na humble ka. Hindi ito “feeling humble” lang. Hindi rin “mukhang humble” lang. Hind din maging “bilib” o “kumbinsido” kang humble ka na nga.

Ang tunay na kababaang-loob ay hindi panloob na ugali lamang. Kung gayon, hindi ito kumpleto. Para maging totoo, dapat itong makarating sa iba, magpabuti sa iba, mag-inspire sa iba, magtaas sa iba.

Kaya nga patuloy si Hesus na nagbigay ng larawan ng tunay na mababang-loob – ang taong nangangalaga sa kapwa, nagpapatuloy sa mga dukha, at nagbabahagi sa mga may pangangailangan sa kanyang paglingap.

Ang kababaang-loob ay nagpapabanal sa tao kung ito ay dumadaloy sa mga kilos na tumutulong at nagtataguyod sa kapwa niya.

Isang dalagitang magde-debut ang sumira sa trend o uso sa birthday na sinusunod ng kanyang mga kaibigan.

Habang ang iba ay nagdiriwang ng kanilang 18th birthday sa magarbong party kasama ang mga pamilya at kaklaseng mayayaman, naisip ng dalagitang ito na magparty kasama ang mga batang lansangan at mga ulila sa ampunan na hindi pa nakakadalo sa isang tunay na party.

Hindi niya ipinahayag ang kababaang-loob sa salita, pero nadama ito ng mga nakapaligid sa kanya sa kanyang kilos at gawa.

–>