Home » Blog » IKA-28 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

IKA-28 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

SA PILING NATIN
 

Sa ebanghelyo ngayon ng 10 ketongin na pinagaling, tila ang daling kunin ang mensahe.

Di ba tungkol iyan sa pasasalamat? 9 na ketongin ang gumaling at nagmamadaling umuwi.

Isa ang nakaisip mag-effort na bumalik ang magpasalamat sa Panginoong Hesus.

Paano kung huwag muna natin isipin ang 9 na walang utang na loob na ketongin?

At kahit ang isang puno ng pasasalamat?

Ituon muna natin ang pansin sa Panginoon.

Ang sabi sa mabuting balita, nang pumasok si Hesus sa isang nayon, sinalubong siya ng mga ketongin.

Bakit ang dali nilang natagpuan ang Panginoon? E kasi, ang daling hulaan kung saan matatagpuan si Hesus!

Sa piling ng mga tao. Kasama ng mga tao. Lagi siyang nasa lansangan at nakikilakbay sa mga kaibigan at dayuhan,  sa mga maysakit, kababaihan, bata, at mga mahihirap.

Alam ng mga ketongin na tiyak na dadaan doon si Hesus… tiyak na makikita sila… tiyak na hihinto, kakausapin, mamahalin, pahahalagahan at pagagalingin sila ni Hesus!

May ganyan bang tao sa paligid nila? Sino ba sa Bible ang aasahan mong makipagkuwentuhan sa mga ketongin?

Sino ang aasahan mong maglalaan ng oras sa mga taong madumi, mabaho, at makasalanan?

Habang natatagpuan ng iba ang Diyos, ang galak at kapayapaan

… sa pagdarasal mag-isa

… sa pag-aaral nang tahimik

… sa pamumuhay nang bukod

… sa malayo at hindi personal na pakikitungo

… sa pag-uutos mula sa itaas,

natagpuan ni Hesus ang Diyos, hindi sa kabila ng, kundi sa pamamagitan ng mga taong nakasalamuha niya – sinuman sila at saanman sila.

Kahanga-hanga ang naganap sa mga ketongin dahil nagpasya si Hesus na makipisan sa kanila!

Ito siguro ang naunawaan ng isang ketongin kaya nagpumilit siyang bumalik at magpasalamat! Salamat po, Panginoong Hesus, dahil ang dali mo matagpuan!

Hamon sa atin ito ngayon ha?

Hindi ba mas gugustuhin nating

… magtago kapag may nangangailangan ng tulong natin? (yung mga mangungutang!)

…iwasan ang mga taong pangit ang reputasyon?

… hindi pansinin ang mga maliliit at walang halaga sa paligid?

… humiwalay sa mga hindi nating type?

… ipagdasal na lang sila kesa tawagan, i-text, o kumustahin?

Kung may 10 “Ketongin” sa buhay natin ngayon, ilan kaya ang gagaling dahil sa tayo ay kapiling nila?

Ilan kaya ang magkakaroon ng dahilang magpasalamat dahil natagpuan nila tayo, nakasalamuha nila tayo, at minahal natin sila?

O Hesus, gawin po akong tulad mo sa pagkatuklas ng kahalagahan, kagandahan, at kapangyarihan ng pagiging nasa “gitna,” hindi “malayo” sa aking mga kapatid!

salamat sa pag-share sa inyong social media…

–>