Home » Blog » IKA-30 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

IKA-30 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

GAANO KALAKAS KA SA DIYOS?

Isang kasambahay ang bibili ng lotto noong nakaraang Disyembre.

Naisip niyang huminto sa altar ng amo niya.

Hinawakan niya ang imahen ni Jesus at mataimtim na nagdasal.

Tapos, bumili na siya ng tiket.

Alam ninyo, ilang araw pagkatapos, isa na siyang milyonarya!

Ngayon ang daming nakapila sa labas ng bahay ng kanyang dating amo upang humawak sa imahen ni Lord doon bago tumaya sa lotto!

Mahal ng Diyos ang mga dukha, mahihina, at mga inaapi, alam natin iyan. Nasusulat iyan.

Pero sobrang mahal ba niya sila na gumawa siya ng maraming dukha sa mundo ngayon?

Hindi ba siya nakikinig sa milyones na nagdarasal para matupad ang kanilang pangarap?

Ang mga pagbasa natin ay gabay sa pang-unawa sa malalim na puso ng Ama.

Sabi sa unang pagbasa (Sirach 35/ Ecclesiastico 35), sabi sa atin, “ang dalangin ng mapagpakumbaba ay tumatagos sa mga ulap at hindi tumitigil hanggang di umaabot sa Panginoon.”

Hindi pala naghahanap ang Diyos ng simpleng kahirapan lamang… sa halip, ang dukha na mapagpakumbaba!

Iyong buong tiwala, buong pagsuko, pagpapahayag ng matinding pag-asa sa kanya at sa kanya lamang.

Kay daming tao sa mundo – mahirap at mayaman – na ang puso ay hindi nakatutok sa Panginoon.

Ang puso natin ay nakakiling sa ating lakas, ari-arian, opinyon, yabang, galit at mga kasalanan..

Habang may ibang nagiging saligan ng ating buhay maliban sa Diyos, hindi tayo ang mahihirap na tinutukoy ng Kasulatan.

Silipin natin ang Gospel (Lk 18).

Ang Pariseo ay relihyoso at sobrang madasalin din.

Pero namumutawi sa kanya ang sariling katiyakan at kayabangan.

Ang tagasingil ng buwis o publikano (na itinuturing na makasalanan ng mga Hudyo) ay malinaw namang nakatingala lamang sa Diyos at sa kanya humuhugot ng lahat-lahat – “Diyos ko, maaawa po kayo sa akin!”

Kaya pala, naantig ang puso ng Panginoon sa tila mabangong insenso ng panalangin ng tagasingil ng buwis, pero nabantutan siya sa alingasaw ng ka-plastikan ng Pariseo.

Hindi ko maipaliwanag kung bakit nga ba nag-jackpot si Inday noong araw na iyon.

Siguro dahil hindi lamang siya mahirap at nangangailangan ng tulong.

Siguro dahil din sinunggaban niya ang kamay ng imahen ni Jesus, at taimtim na ipinagkatiwala sa kanya ang buong buhay niya.

Ang dami ko nang narinig na ganyang kuwento ng mga taong nabiyayaan nang matindi dahil pinabayaan nila ang Diyos na magharing todo-todo sa kanilang puso.

Ano pa ang hinihintay mo? Tumayo ka na diyan.

May jackpot, sa iba’t-ibang anyo, na naghihintay sa iyo!

huwag kalimutang ibahagi sa kaibigan…

–>